Telcos pinaghahanda ng NTC sa posibleng epekto ng bagyong Paeng
Kasabay ng pananalasa ng bagyong Paeng sa Visayas, Southern Luzon, at northern at western Mindanao, inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng telecommunications companies sa bansa na tiyakin ang kanilang kahandaan sa posibleng pinsala nito.
Sa memorandum ni NTC Commissioner, Atty. Ella Lopez, nakasaad na dapat tiyakin ng mga telco na may sapat silang technical at support personnel, standby generators na may extra fuel, at iba pang gamit sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Ipinamamadali rin nito ang repair at restoration ng serbisyo ng mga telco kung may maapektuhan dahil kay Paeng.
Nakasaad pa rito na dapat maglagay ng Libreng Tawag at Charging Stations ang mga telco sa mga naapektuhang lugar.
Inatasan rin ng NTC ang lahat ng kanilang regional directors, na makipagtulungan sa ibang ahensya ng pamahalaan sa pagbibigay ng serbisyo para sa Undas.
Samantala, inatasan rin ni Lopez ang mga opisyal ng NTC, na makipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, Civic Action Groups, at Amateur Radio Groups para sa public assistance operations ngayong long weekend.
Ang mga regional director ng NTC, pinayagan namang magpalabas ng temporary permits at licenses kung kakailanganin.
Madelyn Villar Moratillo