“ Tele-aral” program , inilunsad ng Taguig City
Bago ang nakatakdang pagsisimula ng klase ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan sa Lunes, Oktubre 5, 2020, inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang kanilang “ Tele-aral “ program.
Layon nitong palakasin at matiyak ang kalidad ng edukasyon sa lungsod sa ilalim ng blended learning program ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Mayor Lino Cayetano, sa ilalim ng programa, isang call center na may 15 telephone lines ang itinalaga ng lungsod para tumanggap ng tawag mula sa mga estudyante at magulang na may katanungan ukol sa kanilang modules at iba pang learning materials.
“ pag may tanong na hindi nasagot, hindi matulungan ng magulang pwede po silang tumawag dito agad agad, anong module tapos ire-refer po sya sa eksperto, mga teacher, educators po lahat ito para habang nasa module po na gagabayan sila eksakto sa tanong nila “ ani Cayetano.
Pero kung mas mahirap ang tanong at nangangailangan ng atensyon o gabay ang isang estuyante, may nakahanda rin na tutor service ang lungsod.
Sabi pa ng alkalde, 500 mga guro at educators ang itinalaga nila para magtungo sa bahay ng estudyante para tumulong nang libre “ ang importante po no child will left behind, all learners sa Taguig will have module every week gagabayan ng magulang sasagutan kung may problema. Sa Taguig ho sinisiguro namin kahit wala kayong computer wala kayong internet meron kayong module “
Aabot sa 144,000 ang bilang ng estuyante na naka-enroll sa lungsod ng Taguig para sa School Year 2020-2021.
Bukod sa taga-Taguig, maari rin daw tumawag at humingi ng tulong sa kanilang “ Tele-aral program ang mga mag aaral mula sa ibang lungsod para maalalayan sa kanilang pagaaral.
Mar Gabriel