Tennis star Alexander Zverev naglunsad ng diabetes charity
Naglunsad ng isang charity event ang tennis world No.2 na si Alexander Zverev, para maragdagan ang kaalaman ng publiko tungkol sa type 1 diabetes, isang kondisyon na ibinunyag kamakailan ng 25-anyos na manlalaro na kaniyang nararanasan.
Sinabi ng 6’5” German tennis player, na tinangka niyang itago ang pagkakaroon niya ng diabetes noong bata pa siya.
Ang ‘Alexander Zverev Foundation’ aniya ay makatutulong sa mga kabataan na iwasang limitahan ang kanilang sarili dahil sa nasabing kondisyon.
Ayon kay Zverev, “As a type 1 diabetic myself, I want to encourage children with diabetes to never give up on their dreams no matter what others might say to you. I struggled to accept my condition and had tried to hide my diabetes from the world.”
Aminado ito na nagtatago pa siya kapag kailangan na niyang mag-injection, nagsinungaling sa mga mamamahayag tungkol sa isyu at itinago rin ang kaniyang kondisyon sa mga kaibigan niyang babae.
Si Mischa Zverev na kaniyang kapatid ang magpapatakbo ng foundation sa Hamburg City.
Si Zverev ay na-diagnose na may diabetes sa edad na tatlo, at nag-i-inject siya ng insulin sa pamamagitan ng insulin pen matapos ang regular readings kapag siya ay naglalaro sa isang tournament .
Ang nabanggit na preventative practice ay pinayagan ng Association of Tennis Professionals (ATP), ang ruling body ng tennis.