Tennis star Nick Kyrgios, haharap sa korte sa Oktubre
Haharap sa korte sa Oktubre ang Australian tennis ace na si Nick Kyrgios, kaugnay ng umano’y assault charges matapos tanggihan ng isang mahistrato sa Canberra ang kaniyang apela na ipagpaliban ito ng isang buwan.
Ang 27-anyos na si Kyrgios, ay hindi sumipot sa unang hearing at hindi rin ibinunyag ang mga detalye ng akusasyon.
Sa isang maikling proceedings, ipinahiwatig ng kaniyang abogadong si Michael Kukulies-Smith, na nais ng kaniyang kliyente na sa November 25 pa dinggin ang kaso.
Hindi naman idinetalye ni Kukulies-Smith ang aplikasyon, at binanggit ang presensiya sa korte ng malaking grupo ng media.
Sinabi niya na ang world number 26 na si Kyrgios, na nakuha ang una niyang Grand Slam final sa Wimbledon noong nakaraang buwan at nakatakdang maglaro sa US Open sa New York simula sa Lunes, ay gumugol ng kaunting oras sa kabisera ng Australia.
Sinabi ng mahistradong si Louise Taylor na hinihiling sa kanya ng kampo ni Kyrgios,na palawigin pa ang adjournment sa kaso nito sa hindi malamang dahilan, kaya ibinalik niya ang petsa nito sa Oktubre 4.
© Agence France-Presse