Terrorist tag kay Congressman Teves asahan sa susunod na 2-linggo – Remulla
Posible umanong ma-designate na terorista si suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. dalawang linggo mula ngayon.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla matapos na tanungin kung ano susunod na hakbang ng DOJ makaraan na hindi payagan ng Timor- Leste ang hiling na political asylum ng kongresista.
Sinabi ng kalihim na tuluy-tuloy ang proseso sa Anti- Terrorism Council (ATC) para madeklara na terorista si Teves.
Bukod pa dito ang mga reklamong murder na isasampa kay Teves sa Biyernes o Lunes.
Naniniwala naman si Remulla na nakatulong din para ma-deny ang asylum request nito ang sulat na ipinadala ng DOJ sa DFA para ipagbigay-alam ang ukol kay Teves.
May mga sariling intelligence people din aniya ang Timor Leste at may ugnayan naman ito sa gobyerno ng Pilipinas kaya alam nito ang isyu kay Teves.
Kumbinsido rin si Remulla na hindi magiging madali para sa kongresista na lumipat ng ibang bansa dahil maglalabas ng notice ang Pilipinas sa ibang mga bansa laban dito.
Moira Encina