Tesla, ni-recall ang 321,000 mga sasakyan sa US dahil sa problema sa tail light
Ni-recall ng Tesla ang higit sa 321,000 mga sasakyan sa Estados Unidos dahil sa isang isyu sa tail light, sa pinakabagong problemang tumama sa electric vehicle giant na pinamumunuan ng kontrobersyal na bilyonaryong si Elon Musk.
Ito ang pinakabago sa maraming pag-recall ng Tesla sa United States nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang mahigit 40,000 mga sasakyan dahil sa posibleng problema sa electric power steering system.
Sinabi ng kompanya sa isang dokumento sa National Highway Traffic Safety Administration (NHTSA) na may petsang November 15 at isinapubliko nitong weekend, “In rare instances, the rear lights on affected cars light up intermittently because of a software problem.”
Hindi naman apektado ang brake lights, backup lights at turn signals.
Nagpaplano ang Tesla ng libreng remote software update para ayusin ang problema sa mga apektadong sasakyan ng Model 3 at Model Y 2020-2023.
Ipinaliwanag ng kompanya sa dokumento na naalerto ito sa problema ng mga customer pangunahin sa labas ng United States noong huling bahagi ng Oktubre, at nakumpirma ang pinagmulan nito noong Nobyembre 7.
Sinabi naman ng automaker na wala itong alam sa anumang mga insidente o pinsala na may kaugnayan sa nasabing problema.
Ang Tesla ay nagsagawa na ng ilang mga recall sa Estados Unidos ngayong taon, upang baguhin ang mga potensyal na problematic features.
Sa pagtatapos ng Setyembre, nag-recall ang kompanya ng higit sa isang milyong sasakyan dahil sa panganib ng pinsala sa pag-operate sa mga bintana ng kotse.
Samantala, sa panahon ng pagtatanggol ni Musk sa kaniyang $50 billion pay package bilang CEO ng kompanya sa isang korte sa Delaware ay sinabi niya, “Electric cars are the future,” at ibinigay ang kredito sa napakalaking tagumpay ng Model 3.
© Agence France-Presse