“The Sound of Music” actor na si Christopher Plummer, pumanaw na sa edad na 91
LOS ANGELES, United States (Agence France-Presse) – Pumanaw na sa edad na 91, ang beteranong Canadian actor na si Christopher Plummer na mas lalong nakilala sa naging papel nya sa pelikulang “The Sound of Music.”
Sinabi ng matagal nang kaibigan at manager ni Plummer na si Lou Pitt, na ang beteranong aktor ay pumanaw sa kanilang tahanan sa Connecticut, sa piling ng kaniyang maybahay, ang actress-dancer na si Elaine Taylor.
Si Plummer ang gumanap bilang Captain Georg von Trapp at kapareha ng aktres na si Julie Andrews sa “The Sound of Music,” noong 1965. Ang pelikulang minahal ng marami, na tungkol sa isang musical family at sa kanilang governess sa Austria, bago naganap ang World War II.
Tinawag siyang “consummate actor,” ni Andrews, at sinabing pinahahalagahan nito ang alaala ng kanilang trabaho nang magkasama, at lahat ng nakatatawa at masasayang sandaling kanilang pinagsamahan sa loob ng maraming taon.
Si Plummer ay isa sa pinaka kinikilala at hinahangaang character actors sa Hollywood, kung saan nagkaroon ito ng may 100 pelikula at dose-dosenang television roles.
Ang una niyang Academy Award nomination ay noong 2010 para sa kaniyang pagganap sa papel ng Russian author na si Leo Tolstoy sa “The Last Station.”
Dalawang taon ang nakalipas, sa edad na 82 nang siya ang maging pinakamatandang aktor na nagwagi ng Oscar, para sa kaniyang supporting role sa “Beginners” noong 2012.
Noong 2018, ay muli siyang na-nominate sa Oscar sa pelikulang “All the Money in the World” para sa papel na kaniyang ginampanan na dapat sana ay para sa aktor na si Kevin Spacey, subalit tinanggal sa pelikula kasunod ng mga akusayon ng sexual misconduct.
Tungkol ito sa isang walang pusong bilyonaryo na si J Paul Getty, na tumangging magbayad ng ransom para sa dinukot niyang apo.
Kamakailan, ay nakasama si Plummer sa 2019 whodunit “Knives Out” kasama ang iba pang mga aktor na sina Daniel Craig, Chris Evans at Jamie Lee Curtis.
Si Plummer ay tinawag na “legend who loved his craft, and was an absolute gentleman,” ng direktor ng naturang pelikula na si Rian Johnson. Sinabi pa nito sa kaniyang tweet na masuwerte sila at nakasama nila ang aktor sa set.
Isinilang noong December 13, 1929 sa Toronto, ang unang professional theater debut ni Plummer ay ang “The Rivals” noong 1950 sa Ottawa.
Naging bahagi siya ng Broadway noong 1954 sa “Starcross Story,” gumawa ng pelikula noong 1958 na may pamagat na “Stage Struck,” at bumalik sa pagtatrabaho sa teatro sa London, sa unang bahagi ng dekada 60.
Umani siya ng papuri bilang isa sa premier Shakespearean actors mula sa North America noong 20th century.
Matapos ang napakalaking tagumpay ng pelikulang “The Sound of Music,” nagkaroon pa ng ibang lead roles si Plummer sa mga sumunod na dekada, kabilang dito ang pagiging unang Duke of Wellington sa “Waterloo” (1970), Rudyard Kipling sa “The Man Who Would Be King” (1975), veteran CBS journalist na si Mike Wallace sa “The Insider” (1999) at sa 2006 heist movie ni Spike Lee na “Inside Man.”
Nagkaroon din siya ng mga bit parts, gaya ng isang Klingon general sa “Star Trek VI: The Undiscovered Country,” at pagbo-boses sa isang explorer sa Disney-Pixar Oscar-winning animated film na “Up.”
Marami ring naging television roles ang aktor, kabilang na ang isang starring role sa popular na miniseries noong 1980s, ang “The Thorn Birds.”
Si Plummer ay nagwagi ng dalawang Emmy Awards, isa ay noong 1977 para sa papel na ginampanan bilang isang banker sa “The Moneychangers” ni Arthur Hailey kasama si Kirk Douglas, at ang isa ay noong 1994 para naman sa ginawa niyang narration sa animated series na kinatatampukan ng children’s book character na si Madeline.
Dalawang ulit din siyang nanalo bilang best actor sa Tony Awards para sa kaniyang Broadway performances, isa sa musical at isa sa play.
Sa isang panayam noong 2018 ay sinabi ni Plummer . . . “I’ve managed to finish the cycle of the great, classic roles. I’ve played them all, some more than once. But the parts I’m receiving in films now are wonderful — the last 10 parts have all been fascinating.”
Bukod sa asawang si Taylor, ay naulila rin ni Plummer ang kaniyang anak na babae, ang aktres na si Amanda Plummer.
Liza Flores