TikTok CEO tetestigo sa US Congress sa Marso
Tetestigo ang TikTok CEO na si Shou Zi Chew sa Marso sa mga mambabatas sa Washington, kung saan ang Chinese social media app ay nahaharap sa mga akusasyon na may kinalaman ito sa Communist Party sa Beijing.
Ang TikTok, na ang parent company na ByteDance ay Chinese, ay nakikipaglaban para maka-survive sa United States, sa harap ng dumaraming panawagan mula sa karamihan ng mga mambabatas na Republican, na ang kompanya ay dapat nang direktang ipagbawal dahil sa mga kaugnayan nito sa Beijing.
Si Chew ay magbibigay ng testimonya sa harap ng House Energy and Commerce Committee sa Marso 23, makaraang makuha kamakailan ng Republicans ang mayorya sa US House of Representatives.
Sinabi ni US respresentative Cathy McMorris Rodgers, na siyang pinuno ng komite, “TikTok has knowingly allowed the ability for the Chinese Communist Party to access American user data. Americans deserve to know how these actions impact their privacy and data security, as well as what actions TikTok is taking to keep our kids safe from online and offline harms.”
Maging ang Democrats ay matindi na rin ang kritisismo laban sa TikTok, at noong nakaraang buwan ay nilagdaan ni US President Joe Biden ang isang batas na nagbabawal sa paggamit ng TikTok sa government-issued devices.
Sinundan ito ng dose-dosenang katulad na mga pagbabawal ng US state governments, sanhi upang pag-alinlanganan ang abilidad ng TikTok na manatiling isang dominanteng tech player sa Estados Unidos.
Upang mapalakas ang kaniyang posisyon, ang TikTok ay nagkaroon ng mga lihim na pakikipag-usap sa gobyerno ng US sa loob ng maraming buwan, upang makahanap ng ‘long-term arrangement’ na makatutugon sa anumang mga alalahanin sa pambansang seguridad.
Kasama sa isang pansamantalang panukala noong Agosto ang direktang pangangasiwa sa TikTok USA ng mga opisyal ng gobyerno at ng third-party companies.
Ngunit ang naturang arrangement ay napigil sa gitna ng public criticism ni FBI Director Christopher Wray, na nagsabing patuloy niyang nakikita ang TikTok bilang isang banta.
Sinabi naman ni US Senator Mark Warner, isang Democrat na co-head ng Intelligence Committee ng Senado, “138 million users in America use TikTok on a regular basis, average about 90 minutes a day. I’m not saying that the Communist party is driving the videos you see, but the fact is the algorithms that determine what you see on TikTok are determined out of Beijing by China.”
© Agence France-Presse