TikTok user na idinadawit sa kill plot kay BBM, itinanggi na siya ang account owner na nasa likod ng death threat
Iniharap sa media ng NBI ang TikTok user na sinasabing nagbanta sa buhay ni presidential aspirant Bongbong Marcos sa social media platform.
Boluntaryong sumuko sa NBI noong Martes si Ruel ‘Bong’ Ricafort para linisin ang kanyang pangalan at tumulong sa imbestigasyon.
Itinanggi ni Ricafort na siya ang owner ng TikTok account na may pangalan at litrato niya na nagpost ng death threat kay BBM.
Aniya may sarili siyang TikTok at hindi ito ang account na dawit sa isyu.
Paliwanag pa ni Ricafort, may iligal na gumamit ng kanyang pangalan at larawan para lumikha ng nasabing TikTok account.
Aniya nagulat siya nang makita ang account na may profile pic at pangalan niya na nagkomento ukol sa planong pagpatay kay BBM sa live TikTok video ng isang BBM supporter.
Wala naman siyang ideya kung bakit siya ang pinuntirya o kung tagasuporta ni BBM ang gumawa ng account sa pangalan niya.
Inamin ni Ricafort na siya ay tagasuporta ni Vice-President Leni Robredo at miyembro ng grupong ‘Bikers for Leni.’
Pero wala aniya siyang galit kay BBM.
Balak naman ni Ricafort na maghain ng reklamo laban sa mga tao na sumira at gumamit ng kanyang pangalan.
Handa rin siyang isumite ang kanyang mga gadgets sa NBI para isailalim ito sa forensic investigation at sumalang sa lie detector test.
Nilinaw ng NBI na hindi akusado si Ricafort kundi person of interest sa kaso.
Isasailam pa sa ebalwasyon ng NBI ang mga pahayag ni Ricafort para mabatid kung tugma ito sa mga nakalap na nilang ebidensya.
Inihayag pa ni NBI Cybercrime Division Chief Victor Lorenzo na may sapat silang leads kung sino ang posibleng author ng mga posts sa TikTok account.
Moira Encina