TikTok user na nagsunog ng P20 bill, sinampahan na ng mga reklamo ng BSP at PNP
Ipinagharap na ng mga reklamong kriminal sa piskalya ng Bangko Sentral ng Pilipinas at PNP ang TikTok user na nagsunog ng P20 salaping papel sa isang video.
Partikular na kinasuhan sa Quezon City Prosecutors Office ang 24-anyos na si alyas Jam Jaren.
Mga reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 247, Article 154 ng Revised Penal Code, at RA 10175 o Cybercrime Prevention Law ang inihain laban kay Jaren.
Ang kaso ay nag-ugat sa TikTok video ni Jaren kung saan makikita na sinunog nito ang
20-Piso New Generation Currency na perang papel at ginamit ito para pag-apuyin ang laman ng bote ng alak.
Tiniyak ng central bank na ipupursige nila ang mga kaso hanggang sa mahatulan ng korte ang respondent.
Sa ilalim ng PD 247, maaaring makulong ng hanggang limang taon at pagmultahin ng P20,000 ang sinumang sisira, wawasak, o susunog ng salaping papel ng Pilipinas.
Moira Encina