Tiniyak ng DOH na mayroong kakahayan ang bansa na tumukoy ng kumpirmadong kaso ng NIPAH virus.
Ayon kay DOH spokesperson at Usec Eric Tayag, handa ang Research Institute for Tropical Medicine sa pagsuri ng mga sample ng suspected case ng virus sakaling magkaroon nito.
Muli namang tiniyak ng DOH na wala pang kaso ng Nipah virus sa bansa.
Sa ngayon binabantayan aniya nila ang mga posibleng paraan ng transmission nito gaya ng pagkahawa ng isang tao sa infected na hayop o person to person transmission.
“So ang binabantayan natin ngayon ay animal to human lang ba transmission niyan? Sapagkat binanggit nga kanina ni Usec. Vergeire na iyong mga fruit bats ang pangunahing host ng virus. Pag nabulabog sila sa kanilang kinalalagyan, sila ay maaaring dumapo sa mga lugar na maaaring meron silang close contact sa baboy at sa ibang hayop. Doon lamang magkakaroon ng posibilidad na iyong naapektuhang baboy o kaya kabayo ay mahawa ang tao… Binabantayan natin iyong person to person transmission.” pahayag ni Usec Eric Tayag
Noong 2014 nagkaroon na rin umano ng NIPAH virus outbreak sa bansa kung saan mga kabayo ang naapektuhan.
Ang tinamaan nito ay mga taong kumatay at kumain ng karneng hindi luto.
Naniniwala si Tayag na mababa na ang risk na maulit ito sa bansa.
“Mahirap siyang kumalat sapagkat pag mataas ang mortality rate, namatay kaagad iyong dinapuan niya, hindi na kalalat ang virus kasi patay na iyong host. Hindi katulad ng COVID ngayon na nag-umpisang marami-rami ang namamatay, hanggang sa naging mild na lang at mabilis makahawa.” patuloy pa na pahayag ni Usec Tayag
Pero tiniyak niyang hindi magpapabaya ang DOH at patuloy silang nakaalerto.
Ayon naman kay DOH Usec. Ma Rosario Vergeire nagpulong na ang Philippine InterAgency Committee on Zoonoses para pag-aralan ang mga hakbang upang maiwasan ang paglaganap ng virus sa bansa.
Madelyn Moratillo