Tiwala ng publiko sa pulisya, lumaki sa panahon ng kasalukuyang hepe ng Philippine National Police
Inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar, na lumaki ang tiwala ng publiko sa pulisya dahil sa gumagandang antas ng crime prevention at crime solution sa bansa.
Kabilang aniya rito ang tuloy-tuloy na recruitment process, mabilis na pagtugon sa mga sumbong, internal cleansing, aksiyon sa mga pulis na nagmamalabis sa tungkulin at pagpapababa sa crime rate.
Sinabi ni Eleazar na patunay ito na na-appreciate ng publiko ang pulisya, at tagumpay niya aniya ito.
Isa pa sa mga itinuturing ni Eleazar na accomplishments ay ang moral compass na nakatulong umano at nagsilbing gabay sa cleansing efforts ng PNP.
Ayon sa hepe ng PNP, naging pokus din niya ang kalinisan sa mga tanggapan ng pulisya dahil nais niyang maging malinis ang lahat ng istasyon ng pulis sa bansa.
Gayunman, may mga naninira pa rin sa kanilang hanay.
Ang nakikita kasi aniya ng mga ito ay ang iilang bugok na mga pulis, na kapag gumawa ng kalokohan ay nadadamay ang kabuuan ng kanilang organisasyon.
Samantala, tuloy na tuloy na ang desisyon ni Eleazar na magretiro na sa November 13.
Naniniwala ang opisyal na kahit maikli ang panahon ng kaniyang panunungkulan ay naging epektibo naman siya.
Aniya . . . “Maikli lang ang aking panunungkulan, six months lang, pero nakita ko kasi with my more than 38 years in the service, na lahat ng mga programa, policies, nandyan na, ang kailangan lang talagang gawin ay ipatupad ng maayos at i-supervise.”
Dagdag pa nito . . . “Yung remaining 17 days, kung puwedeng hindi tulugan, hindi ko na tutulugan yan. Yun pong extension, nasa prerogative ng ating presidente.”
Nangako naman si Eleazar na mananatiling committed at dedicated ang PNP sa pagsisilbi sa publiko.