Tiwaling traders at hoarders ng sibuyas at bawang binantaan ng Kamara na kakasuhan ng economic sabotage
Pinakikilos ni House Speaker Martin Romualdez ang House Committee on Agriculture and Food na magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga mapagsamantalang trader at hoarder ng sibuyas at bawang.
Ginawa ni Romualdez ang kautusan dahil nananatiling mataas ang presyo sa merkado ng naturang mga agricultural products sa kabila ng ongoing harvest season at sa pagpasok sa bansa ng imported onions.
Bukod sa imbestigasyon ng komite ng Kamara nais ni Romualdez na may mairekomindang kasuhan dahil malinaw itong economic sabotage.
Ayon kay Romualdez pinag-aaralan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na irekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang calibrated importation ng sibuyas at bawang.
Inihayag ni Romualdez layunin nito na mapuwersa ang mga hoarder na ilabas ang kanilang stocks at makatulong para mag-normalize ang presyo at supply ng sibuyas at bawang sa merkado.
Iginiit ni Romualdez na ang gagawing importasyon ay dapat sapat lang para hindi makaapekto sa ani at kita ng mga lokal na magsasaka.
Umapela si Romualdez sa Department of Agriculture at Department of Trade and Industry na magsagawa ng regular monitoring sa merkado ng supply at presyo ng sibuyas, bawang at iba pang basic commodities.
Vic Somintac