Tokyo, niyanig ng 6.1-magnitude na lindol
Isang 6.1-magnitude na lindol ang tumama sa Tokyo at mga lugar sa paligid nito, kung saan higit 20 katao ang napaulat na nasaktan, ngunit walang banta ng tsunami ayon sa Japan Meteorological agency (JMA).
Batay sa paunang impormasyon mula sa JMA, ang sentro ng lindol na nangyari alas-10:41 kagabi (oras sa Tokyo) at may lalim na 80 kilometro ay nasa Chiba prefecture, silangan ng Tokyo.
Isa ito sa pinakamalakas na lindol na naranasan sa Tokyo, mula nang maganap ang 9.0-magnitude na lindol at tsunami disaster noong 2011 na ikinasawi ng libu-libong katao.
Na-standed naman sa Shinagawa station ang mga pasahero, nang itigil ang bullet at local train services matapos ang pagyanig bilang precautionary measure.
Ayon sa police at fire authorities, higit 20 katao ang nasaktan kabilang ang isang pasaherong babae, na nauntog nang biglang huminto ang isang tren.
Kinumpirma naman ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno, na walang napaulat na abnormalidad sa mga pasilidad nang tingnan ng mga kinauukulan ang regional nuclear plants.
Samantala, ilang daang mga bahay ang napaulat na nawalan ng suplay ng kuryente makaraan ang pagtama ng lindol, habang nagkumahog naman ang mga tauhan ng Fire Department para ayusin ang sumabog na water pipes sa lungsod.
Ang pagyanig ay malakas kumpara sa mga naranasang lindol kamakailan sa Tokyo, na gaya ng iba pang mga lugar sa Japan ay regular na nakararanas ng seismic activity.
Napaulat na ang gobyerno ng bagong hirang na Prime Minister ng Japan na si Fumio Kishida, ay nagtatag ng isang crisis management center, para i-asses ang damage at magkaloob ng suporta kung kinakailangan.