Tonga Volcano, walong ulit pumutok sa loob ng dalawang araw
Isang bulkan sa hilaga ng main island ng Tonga, ang walong ulit nang pumutok sa nakalipas na 48 oras ayon sa kanilang geological service, na nagbabala na rin sa mga marino na huwag lalapit sa lugar.
Ang Home Reef ay sampung araw nang pumuputok, kung saan naglalabas ito ng molten lava, usok at abo nang hindi bababa sa tatlong kilometro o halos dalawang milya sa ere.
Sinabi ng Volcano Watch Team ng geological service, na ang kasalukuyang pagputok ng Home Reef ay may mababa namang panganib sa mga residente ng Vava’u at Ha’apai,” dalawa sa pinakamataong isla sa Tonga.
Subalit tumaas ng isa ang warning levels ngayong Martes, dahil sa bumilis ang mga pagputok nito.
Ang mga piloto ay binabalaan na mag-ingat kapag lumilipad malapit sa bulkan, makaraang itaas sa orange ang aviation alert level o isang hakbang na lamang para maging emergency.
Sinabihan din ang mga mandaragat na huwag lalapit nang higit sa apat na kilometro mula sa Home Reef at mag-ingat din sa mga bumabagsak na abo.
Ang seismic activity ay karaniwan na sa paligid ng Tonga, isang maliit na arkipelago na may halos 100,000 mamamayan na nakakalat sa 171 mga isla.
© Agence France-Presse