Toronto Raptors, sisimulan ang NBA season sa Florida
Los Angeles, United States (AFP) – Sisimulan ng Toronto Raptors ang NBA season sa Florida, matapos mabigong magkaroon ng kasunduan sa Canadian authorities tungkol sa COVID-19 protocols.
Ayon sa pahayag ng presidente ng Raptors na si Masai Ujiri, sisimulan ng 2019 NBA champions ang isang bagong campaign sa isang temporary home sa Tampa, at isasantabi muna ang magulong isyu ng quarantine controls sa pagitan ng Canada at Estados Unidos.
Nagmamadali na kasi ang Raptors na makabuo ng isang solusyon sa isyu kung saan sila maglalaro sa 2020-2021 season, dahil halos wala nang dalawang linggo bago ang December 1 start ng pre-season training camp.
Ang new season ay matatapos sa December 22.
Bagama’t malayang makabibiyahe ang Raptors sa US, kailangang sumailalim ng koponan sa 14-day quarantine sa tuwing bumabalik sa Canada.
Ganito rin ang protocol sa US teams na pupunta ng Toronto para sa games.
Sinabi ni Ujiri, na nagsisikap ang Raptors na makabuo ng isang plano kasama ng public health officials sa local, provincial at federal level upang mabigyan sila ng permiso na maglaro sa 2020-21 season sa Toronto at sa kanilang home court sa Scotiabank Arena.
Ang problema ng Raptors sa logistics ay siya ring problema ng iba pang Canadian sports teams, gaya ng naranasan ng North American leagues mula nang magresume ang mga kompetisyon, matapos mag-shutdown dahil sa COVID-19 sa unang bahagi ng taong ito.
Sa baseball, ang Toronto Blue Jays ay napilitang maglaro para sa regular season games sa Buffalo, New York, habang ang Major League Soccer teams naman ng Canada ay kinailangang maglaro para sa regular season sa Estados Unidos.
Ang desisyon ng Raptors ay sa gitna na rin ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 as Estados Unidos, kung saan ang mga bagong infection ay nasa average na 167,400 per day.
© Agence France-Presse