Tourism cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia, palalakasin– DOT
Target ng Department of Tourism (DOT) na pataasin ang tourist arrivals mula sa Cambodia.
Sa bilateral meeting nina Tourism Secretary Christina Frasco at Cambodian Tourism Minister Dr. Thong Khon, napagkasunduan na muling buhayin ang memorandum of understanding (MOU) na nilagdaan noong 2016 para sa tourism cooperation ng dalawang bansa.
Umaasa ang kalihim na sa oras na malagdaan ang implementation program ng kasunduan ay tataas ang bilang ng Cambodians na bumisita sa Pilipinas.
Iminungkahi naman ni Frasco sa Cambodian minister ang posibleng kolaborasyon ng dalawang bansa sa heritage conservation, management, and monitoring lalo na’t ang Cambodia ay kilala sa tatlong sites na kasama sa UNESCO World Heritage List.
Bukod dito, sinabi pa ni Frasco na interesado ang Pilipinas na tumulong naman sa English Second Language program ng Cambodia para sa tourism workers nito.
Napag-usapan din ng dalawang opisyal ang pangangailangan para i-prayoridad ang air access at route development sa pagitan ng Pilipinas at Cambodia.
Moira Encina