Tourist Rest Area itatayo sa Roxas, Palawan
Aabot na sa 10 ang Tourist Rest Areas (TRA) sa bansa na layuning mapaghusay ang overall tourist experience ng parehong mga lokal at dayuhang turista.
Ang ika-10 TRA ay itatayo sa bayan ng Roxas sa Palawan.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), ang Roxas ay well-situated sa pagitan ng El Nido, Coron, at San Vicente na itinuturing na tourist magnets dahil sa mga ito karamihan nagtutungo ang mga turista.
Ikinukonsidera naman na emerging tourist destination ang Roxas.
Ang groundbreaking ceremony at ang paglagda sa memorandum of agreement (MOA) para sa TRA ay pinangunahan nina Tourism Secretary Christina Frasco, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) Chief Operating Officer (COO) Mark Lapid, at Roxas Mayor Dennis Sabando.
Ang TRA ay magkakaroon ng information desk, malinis na restrooms, charging stations, at pasalubong center.
Batay sa kasunduan, ang DOT sa pamamagitan ng TIEZA ang magpupondo sa konstruksyon ng pasilidad habang ang lokal na pamahalaan ang mangangasiwa sa kaayusan at operasyon nito.
Moira Encina