Trabaho ng mga Kongresista tuloy kahit naka-recess ang session ng Kamara
Magpapatuloy ang trabaho ng Mababang Kapulungan kahit naka-recess ng mahigit isang buwan ang session ng Kongreso.
Ito ang tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasunod ng unang Congressional break ng 19th Congress.
Sinabi ni Romualdez pinahihintulutan ang lahat ng standing at special committees ng Kamara na magdaos ng mga hearing o pagdinig sa panahon ng Congressional recess.
Ayon kay Romualdez ito ay para maipagpatuloy ng mga Kongresista ang kanilang mandato na makapaglatag o makagawa ng mahahalagang lehislasyon.
Ang Congressional recess ay magsisimula sa October 1 at tatagal hanggang November 6, 2022.
Inatasan ni Romualdez at House Majority Leader Mannix Dalipe ang lahat ng mga chairperson ng standing committees at special committees na magpatawag ng committee meetings kahit naka-recess ang Kongreso upang mapabilis ang pagpapatibay sa mga priority measures ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. partikular ang may kinalaman sa pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng COVID- 19 pandemic at pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Vic Somintac