Transcript ng conversation ni Senate President Migz Zubiri kay Chinese Ambassador Huang , ilalabas
Maglalabas ang tanggapan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ng transcript ng naging pag-uusap nila ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para patunayang totoo at hindi misinformation ang desisyon ng China na tourism blacklist laban sa Pilipinas dahil sa POGO operations.
Ayon kay Zubiri, maraming nakasaksi sa pag uusap nila ng ambassador at naninindigan siyang sinabi nito na blacklisted na ang Pilipinas sa mga bansang maaaring puntahan ng mga Chinese tourists dahil sa pangamba sa mga krimeng may kaugnayan sa pogo.
Inamin ni Zubiri na nagulat siya na naglabas ng misinformation statement ang Chinese embassy dahil pinalilitaw nito na fake news ang kaniyang mga sinabing impormasyon
Giit ni Zubiri may permiso ni Ambassador Huang ang ginawa niyang paglalabas ng impormasyon sa pagdinig ng Senado kahapon.
Sabi ni Zubiri wala siyang balak na mag public apology dahil inirelay nya lang naman ang mga impormasyong sinabi ng Ambassador.
Plano ni Zubiri na sumulat sa Chinese government para linawin ang isyung ito.
Pero sa ngayon aniya marami nang statement ang ibat ibang Chinese embassies sa buong mundo na nagsasabing iba blacklist ang sinumang bansang may POGO operations.
Meanne Corvera