Travel ban sa mga bansang may delta variant ng COVID-19, pinalawig pa ng Malakanyang hanggang July 15
Pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig hanggang July 15 ng ipinatutupad na travel ban sa mga bansang mayroong kaso ng Delta variant ng COVID-19 na magpapaso na sa June 30.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na iiral parin ang travel ban sa mga bansang United Arab Emerates, India, Pakistan, Sri Lanka, Bangladesh, Oman at Nepal.
Ayon kay Roque ang extension ng travel ban sa mga bansang mayroong mataas na kaso ng Delta variant ay bahagi ng proactive measures ng pamahalaan sa ipinatutupad na boarder control.
Inihayag ni Roque sa pamamagitan ng mahigpit na international boarder control maaagapan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID 19 na sinasabing mas mabilis makahawa kaysa dating mga naitalang variant ng corona virus.
Batay sa record ng Philippine Genome Center nananatiling 17 ang kumpirmadong kaso ng Delta variant ng COVID 19 sa bansa at wala pang naitatalang local transmission.
Samantala niliwanag ni Roque na walang ipinatutupad na travel ban ang Pilipinas sa Indonesia matapos mapaulat na lumalaki ang bilang ng kaso ng COVID 19 doon bagkus mahigpit na boarder monitoring control ang ginagawa lalo na sa southern part ng bansa.
Vic Somintac