Trilateral Maritime Exercises sa pagitan ng Pilipinas, Japan at US sisimulan ngayong araw sa Bataan
Aarangkada na ngayong Martes, June 6, ang kauna-unahang trilateral maritime exercises na lalahukan ng mga coast guards ng Pilipinas, Estados Unidos at Japan sa Mariveles, Bataan.
Tiwala ang tatlong coast guards na malaki ang maia-ambag ng trilateral exercise na ito sa pagpapanatili sa katatagan at seguridad sa rehiyon ng Indo-Pasipiko.
“The cooperation among the Japan, U.S. and Philippine Coast Guard agencies plays a vital role in promoting openness, transparency, freedom of navigation, and overflight, and rules-based order in the Indo-Pacific region. In this context, our coast guard agencies have recognized the necessity of conducting periodic exercises among the U.S., Japan and the Philippines in accordance with international law to enhance the capabilities and interoperability of the three coast guard organizations,” pahayag ni PCG Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr.
Dumating noong nakaraang Huwebes sa bansa ang mga barko ng US at Japan na lalahok sa maritime drills.
Una nang nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na walang kaugnayan ito sa tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon sa PCG, layunin ng maritime exercises ng tatlong bansa na mapaigting ang kakayanan at interoperability ng mga ito gaya sa search and rescue at maritime law enforcement.
Naniniwala naman ang Japan Coast Guard na mahalaga ang nasabing aktibidad para sa kapayapaan sa rehiyon.
“We believe the most important point is to maintain maritime order. In order to do so, there are limitations one country’s coast guard can do. And so this joint training undertaken by Philippines and Japan this time will contribute greatly in maintaining maritime order,” ayon kay Capt. Miura Atsushi, Director ng Coast Guard International Cooperation–International Strategy Division Administration Department.
Nagkasundo ang Pilipinas, Japan at U.S. na paigtingin ang pagpapalitan ng impormasyon gayundin ng koordinasyon at kooperasyon sa iba’t ibang coast guard function tulad ng pagresponde sa maritime emergencies gaya ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Sinabi ng U.S. Coast Guard na sa mga nakalipas na araw ay naghanda ang tatlong coast guards sa mga isasagawang maritime operations sa Bataan gaya sa komunikasyon at navigation.
“These last couple of days has really been focus on establishing trust in how we operate at sea and the next couple days will be an opportunity show that off as we actually operate together,” pahayag ni CG Capt. Brian Krautler, commanding officer ng USCGC Stratton.
Moira Encina