Tropical depression sa labas ng PAR, binabantayan ng PAGASA
Isang tropical depression na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ang binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Bukod pa ito sa Severe Tropical Storm “Paeng,” na nananalasa ngayon sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas at tumatawid na sa Marinduque ngayong Sabado, October 29.
Ayon sa weather bureau, ang sentro ng tropical depression ay tinatayang 1,495 kilometro sa silangan ng hilagang-silangang Mindanao.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna, at pagbugsong aabot sa 55 kilometro bawat oras. Kumikilos ito ng pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Sinabi ng PAGASA na ang tropical depression ay tinatayang kikilos ng mabagal sa direksiyong pa-kanluran bago unti-unting bibilis patungo sa Pilipinas.
Ayon pa sa weather bureau, ang naturang tropical depression ay maaaring pumasok sa PAR sa Lunes o Martes.
Tinatayang mananatili itong isang tropical depression hanggang sa Miyerkoles, at ayon sa PAGASA, malamang na humina ito at maging isa na lamang low pressure area.