Bagyong Julian, lumalakas pa matapos pumasok sa typhoon category
Patuloy pang lumalakas ang bagyong Julian matapos itong maging ganap na “typhoon” mula sa pagiging “tropical storm” kaninang madaling araw.
Habang lumalakas ay lalo namang bumabagal ang bagyo na bumabaybay ngayon pahilaga sa kaulapan ng Philippine sea.
Pagsapit ng Lunes ay tinatayang magbabago ng direksyon ang bagyo, at tatahak sa direksyong pahilagang kanluran.
Mananatili naman itong nasa area ng Philippine sea, malayo sa kalupaan hanggang sa tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility sa Lunes ng gabi.
Bagamat walang magiging direktang epekto sa bansa ang bagyong Julian, magdudulot naman ang hanging Habagat ng malalaking alon na may taas na mula 1.2 hanggang 3.4 meters.
Apektado nito ang dagat sa Northern Luzon, eastern seaboard ng Central at Southern Luzon, at Northern at Eastern Samar.