Trump kinalampag ni Harris sa mainit nilang debate
Nalagay sa ‘defensive” mode ang Republican na si Donald Trump matapos ang serye ng pag-atake ni Democratic Vice President Kamala Harris, sa mainit nilang debate ngayong Miyerkoles ng umaga (Martes ng gabi sa Philadelphia kung saan ginanap ang debate).
Halatang nagalit ang 78 anyos na si Trump sa 59-anyos na dating prosecutor na si Harris, na nag-udyok dito upang mag-deliver ng isang serye ng “falsehood-filled retorts.”
Sa isang pagkakataon, binanggit niya ang mga campaign rally ni Trump kung saan sinabi ni Harris na madalas ay umaalis agad ang mga tao dahil sa “pagkabagot.”
Si Trump naman na halatang inis sa bilang ng mga dumadalo sa rallies ni Harris ay tumugon sa pagsasabing, “My rallies, we have the biggest rallies, the most incredible rallies in the history of politics,” pagkatapos ay binuweltahan ang kaniyang katunggali at sinabing kinakain ng Haitian immigrants sa Springfield, Ohio, ang mga alagang hayop ng mga residente doon.
Habang tumatawa ay sinagot siya ni Harris, “Talk about extreme.”
Matinding pinagtalunan ng dalawa ang mga isyu gaya ng immigration, foreign policy at healthcare, ngunit ang debate ay magaan sa mga partikular na policy details. Ang agresibong approach ni Harris ay nagtagumpay upang matuon ang pansin kay Trump.
Si Trump, na gumugol ng ilang linggo sa paglulunsad ng mga personal na pag-atake kay Harris na may kasamang racist at sexist insults, ay lubhang umiwas sa pang-iinsulto sa mga unang bahagi ng debate, ngunit unti-unting nabalisa dahil sa mga opensiba ni Harris.
Tinanong ng moderators si Trump tungkol sa nasabing mga pag-atake niya kay Harris, nang sabihin niya sa isang interview niya sa Black Journalists noong Hulyo na si Harris kamakailan ay naging isa nang “Black person.”
Sagot ni Trump, “I couldn’t care less. Whatever she wants to be is OK with me.”
Tumugon naman si Harris, na kapwa may Black at South Asian heritage, “I think it’s a tragedy that we have someone who wants to be president who has consistently over the course of his career attempted to use race to divide the American people.”
Binatikos nito si Trump kaugnay ng kaniyang ‘criminal conviction’ upang pagtakpan ang ‘tahimik’ niyang pagbabayad ng pera sa isang porn star maging ang iba pang mga akusasyon laban sa kaniya at isang civil judgement kung saan pinapananagot siya para sa sexual assault. Itinanggi ni Trump na may mali siyang ginawa at muling inakusahan si Harris at ang Democrats na siyang nasa likod ng lahat ng mga kaso nang walang ebidensiya.
Inulit din ni Trump ang kanyang maling pahayag na ang kanyang pagkatalo sa halalan noong 2020 ay dahil sa pandaraya, at tinawag na “Marxist” si Harris at muling iginiit ang hindi tamang deklarasyon na ang mga migrante ang sanhi ng mararahas na krimen.
Republican presidential nominee, former U.S. President Donald Trump and Democratic presidential nominee, U.S. Vice President Kamala Harris shake hands as they attend a presidential debate hosted by ABC in Philadelphia, Pennsylvania, U.S., September 10, 2024 REUTERS/Brian Snyder
Ngayong walong linggo na lamang bago ang Nov. 5 election, at ilang araw na lamang bago magsimula ang early voting sa ilang estado, ang debate, na nag-iisa at wala nang kasunod, ay kapwa nagbigay ng pagkakataon at magiging panganib din para sa dalawang kandidato sa harap ng isang televised audience ng milyun-milyong mga botante.
Nagsimula ito ng alas-9:00 Martes ng gabi, sa pamamagitan ng isang hindi inaasahang pakikipagkamay sa pagitan ng magkatunggali, na hindi pa nagkaharap noon. Nilapitan ni Harris si Trump at ipinakilala ang kaniyang sarili sa pagsasabi ng kaniyang pangalan, sa isang unang ‘handshake’ sa isang presidential debate mula noong 2016.
Ang naturang paghaharap ay partikular na mahalaga para kay Harris, dahil lumitaw sa polls na mahigit sa 1/3 ng mga botante ay walang masyadong alam tungkol sa kaniya. Pinasok ni Harris ang larangan pitong linggo lamang ang nakalipas makaraang umatras ni President Joe Biden.
Ayon kay Harris, “As I said, you’re going to hear a bunch of lies.”
Hinangad din ni Harris na isangkot si Trump sa Project 2025, isang konserbatibong policy blueprint na nagmumungkahi ng pagpapalawak sa kapangyarihan ng ehekutibo, pag-aalis ng environmental regulations at gagawing ilegal ang pagbibiyahe ng abortion pills sa buong state lines, bukod sa iba pang right-wing goals.
Iginiit ni Trump na “wala siyang kinalaman” sa Project 2025, bagama’t ilan sa kaniyang advisers ang sangkot sa paglikha nito.
Binuksan ng mga kandidato ang debate sa pamamagitan ng pagtuon sa ekonomiya, isang isyu na sa opinion polls ay lumitaw na pabor kay Trump.
Inatake ni Harris ang intensyon ni Trump na magpataw ng mataas na taripa sa mga dayuhang kalakal, isang panukala na inihalintulad niya sa isang sales tax para sa middle class, habang binabanggit ang kaniyang plano na mag-alok ng tax benefits sa mga pamilya at maliliit na negosyo.
Sabi ni Harris, “Donald Trump left us the worst unemployment since the Great Depression,” na ang tinutukoy ay ang mga taon nito bilang pangulo mula 2017-2021. “Unemployment peaked at 14.8% in April 2020 and at 6.4% when he left office. It was far higher in the Great Depression.”
Pinuna naman ni Trump si Harris para sa patuloy na inflation sa panahon ng termino ng administrasyong Biden, kahit na pinalaki lang niya ang antas ng pagtaas ng presyo. Mabilis din siyang bumuwelta sa kanyang nangungunang isyu, ang imigrasyon, kung saan muli niyang inangkin na walang ebidensya na ang mga imigrante mula sa “asylums ng mga baliw” ay tumatawid sa U.S. souther border sa Mexico.
Ayon kay Trump, “Inflation, has been a disaster for people, for the middle class, for every class.”
Nagpalitan din ng maaanghang na salita ang mga kandidato tungkol sa Israel-Gaza war at sa pananakop ng Russia sa Ukraine, bagama’t isa man sa kanila ay wala namang tinukoy kung ano ang kanilang gagawin upang matapos na ang hidwaan.
Inakusahan ni Harris si Trump na willing itong abandonahin ng U.S. ang suporta sa Ukraine kapalit ng pabor mula kay Russian President Vladimir Putin, at tinawag si Trump na isang “kahihiyan,” habang sinabi naman ni Trump na napopoot si Harris sa Israel, na itinanggi naman nito.
Ang presidential debates ay hindi naman nakapagpapabago sa isip ng mga botante, ngunit maaari nitong baguhin ang dynamics ng isang paligsahan. Ang mahinang performance ni Biden laban kay Trump noong June ay nagbunga ng pag-abandona niya sa kaniyang kampanya noong July 21.
Sa isang paligsahan, kahit na ang isang maliit na pagbabago sa opinyon ng publiko ay maaaring makapagpabago sa resulta nito.
Ang dalawang kandidato ay pantay o tie sa pitong battleground states na malamang na siyang maging batayan ng magiging resulta ng eleksiyon, batay sa polling averages na pinagsama-sama ng New York Times.
Hosted ng ABC News, ang debate ay ginawa sa National Constitution Center sa Philadelphia, at gaya nang napagkasunduan, walang live audience at ang mikropono ng mga kandidato ay papatayin muna kapag hindi pa nila oras para magsalita.