TS Agaton, nag-landfall na sa Guiuan, Eastern Samar; Babala ng bagyo, nananatili sa maraming lugar sa Visayas
Lalu pang lumakas ang Tropical Storm Agaton habang binabagtas ang Southeastern portion ng Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, 7:30 ng umaga kanina nang mag-landfall ang bagyo sa Calicoan Island, Guiuan, Eastern Samar.
Sa 8:00 am weather bulletin ng PAGASA, nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ang mga sumusunod na lugar:
- southern portion ng Eastern Samar (Guiuan, Mercedes, Salcedo, Quinapondan, Giporlos, Balangiga, Lawaan, General Macarthur, Hernani, Llorente, Balangkayan, Maydolong, Borongan City);
- southern portion ng Samar (Marabut, Basey, Calbiga, Pinabacdao, Villareal, Santa Rita); at
- northeastern portion ng Leyte (Babatngon, Tacloban City, Palo, Tanauan, Tolosa).
Ang mga lugar na ito ay makararanas ng malalakas na hangin sa loob ng 24 oras na maaaring makapinsala sa buhay at mga ari-arian.
Samantala, nasa ilalim naman ng TCWS No. 1 ang mga sumusunod na lugar:
- nalalabing bahagi ng Eastern Samar;
- nalalabing bahagi ng Samar;
- Northern Samar;
- Biliran;
- nalalabing bahagi ng Leyte;
- Southern Leyte; at
- northeastern portion ng Cebu (Daanbantayan, Medellin, Bogo City, Tabogon, Borbon) kasama ang Camotes Islands.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa 11.0°N, 125.9°E coastal waters ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometer per hour malapit sa gitna ang pagbugso ng hanggang 105 km/h.
Ayon pa sa Pagasa, Sa susunod na 24 oras ay magiging maalon ang karagatan lalu na sa mga seaboard ng mga lugar na nasa ilalim ng TCWS 1 at 2.
Sa ganitong kundisyon, magiging mapanganib ang paglalayag lalu na sa mga may maliliit na seacraft at pinapayuhang manatili o mag-shelter muna sa mga pantalan habang pinag-iingat sa paglalayag ang mga malalaking barko at hangga’t maaari ay iwasan munang maglayag sa mga lugar na may bagyo.