Tsunami warning, inalis na matapos ang malakas na lindol malapit sa Tonga
Inalis na ang ipinalabas na tsunami warning, kaugnay ng isang magnitude-7.3 na lindol na tumama sa karagatan ng Tonga.
Ayon sa US Geological Survey (USGS), ang lindol ay tumama sa lalim na10 kilometro (anim na milya), halos 200 kilometro sa timog-silangan ng Neiafu, isang bayan sa hilagang-silangan ng Tonga, ilang sandali bago maghatinggabi nitong Biyernes.
Una itong iniulat na may magnitude na 7.1, ngunit kalaunan ay binago at ginawang 7.3.
Sinundan ito ng mas maliit na pagyanig na 5.1-magnitude sa kaparehong lugar, makalipas ang halos isang oras.
Sinabi ng Pacific Tsunami Warning Center kaninang ala-1:30 ng madaling araw, “There is no longer a tsunami threat from this earthquake.’
Bago ito ay sinabi ng center, “hazardous tsunami waves are possible for coasts located within 300 km of the earthquake epicenter.’
Una nang ginamit ng Tonga meteorological service ang social media posts upang himukin ang mga tao, na manatili inland at sa matataas na lugar, gayundin ang pakikinig sa radyo.
Pinayuhan din ang mga mandaragat na magtungo sa mas malalim na parte ng karagatan para sa kanilang kaligtasan.
Ang seismic activity ay medyo karaniwan na sa paligid ng Tonga, isang bansa na mayroong humigit-kumulang 100,000 katao na nakakalat sa 171 mga isla.
Ayon sa mga researcher mula sa University of Bath, noong Enero ngayong taon, niyanig ito ng pagsabog ng Hunga-Tonga-Hunga-Ha’apai volcano, isa sa itinuturing na “most powerful events in modern times.”
© Agence France-Presse