TUCP, nanawagan kay Pangulong Duterte na itaas sa 80 piso ang 25 piso umento sa sahod sa Metro Manila
Nanawagan ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kay Pangulong Rodrigo Duterte na itaas sa 80 piso ang 25 pisong dagdag sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni TUCP spokesperson Allan Tanjusay na napakaliit ng 25 piso at hindi ito maipambibili ng disenteng pagkain ng mga mahihirap na empleyado.
Napakalayo aniya nito sa kanilang proposal na 334 pesos per day na dagdag sahod.
Pero sa ngayon, naguguluhan pa ang TUCP sa tunay na wage increase dahil subject for approval pa ito ng National Wage and Productivity Board (NWPB) at dadaan pa ito sa Office of the President bago i-anunsyo ng Labor Department.
Ang nangyari kasi aniya ay biglang nag-anunsyo ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa umano’y napagkasunduang wage increase.
“Ang aming pakiusap ngayon kay Pangulong Duterte, Pangulo baka pwede nyo hong dagdagan ang 25 pesos na yan at gawing 80 pesos upang mapatunayan ang sinasabi ninyong may tunay na pagbabago sa inyong administrasyon”.
Samantala, nagpahayag ng sama ng loob si Tanjusay sa National Wage board dahil sa mas mataas na dagdag sahod na inaprubahan para sa mga manggagawa sa Davao city.
Aniya, tila may favoritism ang Wage Board dahil marahil ay nasa Davao ngayon ang seat of power at kilalang hometown ni Pangulong Duterte.
“Bakit sa Region 11 sa Davao ay bakit 56 eh bakit dito sa Metro Manila ay 25 pesos lamang. Samantalang magkapareho lang ang presyo ng mga bilihin na tumataas,so may favoritism ang ating Wage board”.