Turismo nakapagtala ng pinakamataas na paglago sa ilalim ng Marcos Admin– DOT
Bago ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, iniulat ng Department of Tourism (DOT) na naitala ang pinakamataas na paglago ng turismo sa ilalim ng Gobyernong Marcos.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, nakapag-ambag ang turismo noong 2023 ng 8.6% share sa gross domestic product (GDP) ng bansa na pinakamataas na growth rate sa Tourism Direct Gross Value Added sa 24 taon na pagkalap ng Philippine Statistics Authority (PSA) ng nasabing datos.
Batay pa sa tala ng DOT, umabot sa mahigit P3.36 trillion ang visitor receipts noong nakaraang taon. Mas mataas ito ng 75% mula sa kita sa turismo noong 2022.
Sa pinakahuling bilang ng DOT, lagpas 3.32 milyon na ang international tourist arrivals ngayong 2024.
Sinabi ni Frasco na ang pagbibigay prayoridad at malinaw na vision ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa turismo ang dahilan kaya naabot ng industriya ang maraming milestone at record-breaking na mga numero lalo noong 2023.
Tiwala naman ang kalihim na magtutuloy-tuloy ang paglago at paglakas ng turismo ngayong 2024 sa ilalim ng Pamahalaang Marcos.
Moira Encina-Cruz