Turkey nais bumili ng F-16 fighters sa US
Pinag-uusapan sa Estados Unidos ang kahilingan ng Turkey na bumili ng F-16 fighters, makaraang hindi na matuloy ang bentahan ng mas advance na F-35s, matapos bumili ng Turkey ng isang Russian missile system.
Sinabi ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan, na nais nilang bumili ng mas murang F-16 fighters gamit ang $1.4 billion na inilaan nito para sa nakanselang F-35 deal.
Subalit sinabi ng isang US official na anomang posibleng F-16 orders ay maaaring magkaroon ng kaparehong isyu na naging sanhi ng kanselasyon ng F-35 deal at ito ay desisyon ng Turkey na bumili ng isang S-400 missile system mula sa Russia.
Ang S-400 na ginagamit sa pag-track at pagpapabagsak sa mga umaatakeng aircraft, ay nakikita ng US na banta sa F-35 joint strike fighter program na in-adopt ng ilang NATO countries.
Noong Miyerkoles ay nakipagpulong ang US defense officials sa kanilang counterpart sa Turkey para resolbahin ang natitira pang mga isyu mula sa F-35 program.
Kahapon naman ay nakipag-usap si US Defense Secretary Lloyd Austin sa kaniyang Turkish counterpart na si Hulusi Akar, at sinabing kinikilala ng America ang pangangailangan ng Turkey para sa modernisasyon ng kanilang militar.
Ang kahilingan ng Turkey tungkol sa pagbili ng F-16 ay maaaring matalakay sa sandaling magkita na sina US President Joe Biden at Erdogan sa sidelines ng COP26 climate conference sa Glasgow, na magsisimula sa Linggo.
Ayon sa Turkish media, nais ng bansa na bumili ng 40 F-16 at kits para idagdag sa 80 warplanes sa kasalukuyan nilang fleet.
Noong 2002 isa ang Turkey sa ilan pang NATO allies na pumayag bumili ng F-35, at limang taon makalipas nito ay nagkaroon ng kasunduan na sila man ay magpo-produce na rin, isang kasunduan na magpapasok bilyun-bilyong dolyar sa Turkish industry.
Subalit nang inihahanda na ng US na i-deliver ang unang dalawa sa 100 aircraft na inilaan para sa Turkish air force, noong 2017 ay inanunsiyo ng Turkey na bibili ito ng isang S-400 battery.
Isang linggo matapos matanggap nv Turkish ministry of defense ang unang delivery ng S-400 components noong July 2019, inanunsiyo ng US ang kanselasyon ng F-35 program ng Turkey.
Ayon sa mga opisyal ng US, ang presensiya ng S-400 ay magbibigay daan sa Russia na pangunahing kalaban ng NATO, para kumolekta ng impormasyon sa mahahalagang kapabilidad ng F-35.
Una nang sinabi ni Pentagon Undersecretary of Defense for Acquisition Ellen Lord . . . “Turkey cannot field a Russian intelligence collection platform in proximity to where the F-35 program makes, repairs, and houses the F-35.” (AFP)