Turn-over ceremony para sa magiging bagong Regional Director ng PNP CALABARZON sinaksihan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar
Binisita ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang mga miyembro ng Police Regional Office o PRO CALABARZON, matapos siyang maitalaga bilang ika-26 na hepe ng pambansang pulisya.
Sa kaniyang pagbisita ay binalangkas niya ang mga bagong programa at pagpapalakas sa Philippine National Police.
Dinaluhan din ng bagong hepe ng PNP ang turn-over ceremony para sa bagong manunungkulan bilang Regional Director ng CALABARZON.
Sinaksihan ni Eleazar ang pagpapasa ng baton sa pagitan nina outgoing Regional Director Brigadier General Felipe Natividad at incoming Regional Director Brigadier General Eliseo Cruz.
Sa kaniyang talumpati ay agad na humingi ng suporta ang bagong regional director sa mga miyembro ng PRO CALABARZON, upang maisagawa nila ang mga tungkulin at responsibilidad na nakahanay kaugnay ng mga itinutulak na programa ni General Eleazar.
Hiningi din nya na suportahan ang programa ng PNP na Intensified Cleanliness Policy, upang itaas ang pamantayan ng serbisyo publiko sa sambayanang Pilipino, partikular na sa mga pamayanan ng CALABARZON.
Dagdag pa niya, hindi nila kukunsintihin ang scalawags, kotong cops at mga abusadong pulis sa kanilang hanay.
Binigyan diin pa ni Brig. Gen. Cruz, ang magiging direktiba nya ukol sa kampanya laban sa wanted person, loose firearms at pagpapatibay sa pagsisikap sa mga imbestigasyon, maging ang pagpapabuti sa mga imprastraktura at pasilidad ng pulisya.
Si outgoing Brigadier General Felipe Natividad, ay nag iwan naman ng mahalagang marka sa PRO CALABARZON na nauukol sa kanyang naging kampanya noon sa paglaban sa insurgencies at terorismo sa rehiyon, sa pamamagitan ng kanyang mga naging proyekto na SIKAP o Sitio Kapayapaan at SIKHAY o Sikap Buhay para sa mga dating rebelde.
Si Natividad ay nakatakdang mamuno sa Special Action Force kapalit ni Major General Bernabe Balba.
Binati naman ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar si Gen. Cruz bilang bagong regional director, at si gen. Natividad dahil sa pagsulong sa karapatan bilang bagong direktor ng Special Action Force.
Ulat ni Louis John Reñon