U.S. NSA Advisor, muling tiniyak ang suporta sa PHL matapos ang pagbangga ng Tsina sa mga barko ng Pilipinas
Nagkausap sa telepono sina U.S. National Security Advisor Jake Sullivan at ang National Security Advisor ng bansa na si Eduardo Año matapos ang banggaan sa Ayungin Shoal sa pagitan ng mga barko ng Pilipinas at Tsina.
Muling ipinahayag ni Sullivan sa counterpart nito ang suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas dahil sa insidente.
Tinawag ng opisyal na mapanganib na pag-maniobra at iligal ang mga aksiyon ng Chinese vessels laban sa isinagawang resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.
Sinabi ng U. S. na muling pinagtibay ng dalawang opisyal ang alyansa at pagkakaibigan ng Amerika at Pilipinas.
Pinag-usapan din nina Año at Sullivan ang mga nalalapit na engagements ng dalawang bansa at kung papaano mapalalakas pa ang alyansa nito.
Binigyan-diin pa ng U.S. National Security advisor ang “ironclad” committment ng Amerika sa Pilipinas sa oras ng armadong pag-atake sa mga sasakyang pandagat, panhimpapawid at sandatahang lakas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT).
Moira Encina