UAE travel ban na ipinatupad ng Saudi, aalisin na
Inihayag ng Saudi Arabia na tatanggalin na nila ang ipinatupad na travel ban sa tatlong bansa kabilang na ang United Arab Emirates (UAE).
Ngayong araw (Miyerkoles), ay muli nang bubuksan ng Saudi Arabia ang kanilang land, sea at air ports para sa mga taga UAE, South Africa at Argentina.
Ang UAE laluna na ang Dubai, ay pangunahing leisure destination para sa mga taga Saudi.
Noong Mayo ay pinayagan na ng Saudi na makabiyahe ang kanilang mga mamamayan na bakunado na laban sa coronavirus makaraan ang isang taong ban.
Kalaunan ay ipinasya nito na ang payagan na lamang makabiyahe simula noong August 9 ay mga fully vaccinated lang.
Sa report ng official SPA news agency, ang desisyon ng Saudi na tanggalin na ang ban ay nangyari ilang oras matapos mag-usap sa telepono, si Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman at Abu Dhabi Crown Prince Mohammed bin Zayed.
Noong July 3 ay sinuspinde ng Saudi Arabia ang biyahe patungo at mula sa UAE, Vietnam at Ethiopia, matapos na makapagtala ang kapitbahay nilang bansa ng mga kaso ng lubhang nakahahawang Delta variant.
Batay sa datos na isinapubliko ng health ministry, ang Saudi ay nakapagbigay na ng higit 38 million doses ng bakuna laban sa Covid-19.
Ang bansa ay nakapagtala na ng higit 545 libong kaso ng coronavirus, kabilang na ang higit 8,500 namatay.