Udyok ng pangyayari at hindi labag sa separation of church and state ang pagkakatalaga ni Pangulong Duterte kay Iglesia Ni Cristo Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo bilang special envoy for overseas filipinos concern – Malacañang
Ipinagtanggol ng Malakanyang ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Iglesia Ni Cristo Executive Minister Brother Eduardo V. Manalo bilang Special Envoy for Overseas Filipino concern.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang pagtatatalaga ng pangulo kay Ka Eduardo ay hindi rin lumalabag sa separation of church and state.
“Ay salamat po sa katanungan na iyan. Unang-una po, may nagtanong na rin sa akin kahapon kung naba-violate ba raw ang separation of church and state, hindi po. Kasi ang separation of church and state dalawa po iyan: iyong kalayaan na magkaroon ng pananampalataya; at saka iyong kasiguraduhan na ang estado mismo ay hindi magi-endorso ng isang pananampalataya.
Ang pagtatalaga po kay Mr. Eduardo Manalo ay dahil meron po naman talagang network si Mr. Manalo, lalung-lalo na sa iba’t-ibang mga Pilipino na nagtatrabah0 sa iba’t-ibang mga bansa. Meron po silang 6 na milyon na kongresgasyon at matagal na po sila na gumagalaw sa hanay ng mga Overseas Filipino Workers.
So iyon po ang nais nating ma-tap, iyong network at iyong napatunayan nang kakayahan nila ng kanilang organisasyon na pangalagaan iyong kapakanan ng ating mga kababayan sa iba’t-ibang mga bansa.
Iyon po ang dahilan kung bakit siya natalaga.”
Ayon kay Roque, walang budget na gagastusin ang gobyerno sa magiging trabaho ni Ka Eduardo dahil ang gobyerno pa nga ang makikinabang at mahalaga ang network ng Iglesia Ni Cristo na matagal nang tinutulungan ang mga kababayan natin na nasa ibang bansa…. kahit hindi miyembro ng INC
“Well, ang alam ko po wala tayong budget sa special envoys, iyan po ang katotohanan. So kaya nga po, tayo po ang makikinabang sa kanyang network at hindi naman po natin siya popondohan sa kanyang trabaho.
Kumbaga ginagawa na nila iyon. Sa pagtatalaga sa kanya eh siguro nire-recognize na rin natin iyong kanilang ginagawa na boluntaryo sa mga nakalipas na taon na at pinapaigting pa natin na sana mas maging malawak pa ang kanilang tulong na ibinibigay sa ating mga OFWs.”
Inihayag ni Roque na kinikilala ng gobyerno ang papel ng Iglesia Ni Cristo sa pagtulong sa mga pilipino na nasa ibat-ibang panig ng mundo at matagal na itong napatunayan …
Niliwanag ni Roque na hindi political accomodations ang pagtatalaga ng pangulo kay Ka Eduardo bilang special envoy sa kabila ng tinulungan ng Iglesia Ni Cristo si Pangulong Duterte noong 2016 presidential elections.
“Hindi po iyan bayad-political. Siguro po itong mga pangyayari ngayon na nagiging biktima ng pag-abuso ang ating mga OFWs ay naging udyok na matalaga itong si Mr. Manalo, dahil nga doon sa kanyang – sinabi ko na kanina – malawak na network at iyong kanilang serbisyo na sa ating mga kababayan abroad.”
Binigyang diin ni Secretary Roque na udyok ng mga pangyayari kaya kinuha ng pangulo ang tulong ng lider ng Iglesia Ni Cristo.
Ulat ni Vic Somintac