Ugnayan ng Pilipinas sa Sri Lanka at Uganda, mas palalakasin ng Marcos Administration
Hangad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas mapalakas pa ang relasyon ng Pilipinas sa Uganda at Sri Lanka.
Nagsumite kamakailan ng credentials kay Pangulong Marcos sina Betty Oyella Bigombe bilang Non-Resident Ambassador ng Republic of Uganda at Dr. Chanaka Harsha Talpahewa bilang Resident Ambassador ng Democratic Socialist Republic of Sri Lanka.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni PBBM kay Bigombe na umaasa itong makakahanap pa ng pamamaraan upang mas mapagtibay ang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Uganda.
“We are very much in the same path, our two countries, and therefore, I think the experiences and lessons that we have learned along the way will be of benefit to both our countries so long as we keep our partnership strong and our alliances very profound and alive,” pahayag ng Pangulo.
Ayon kay Bigombe, malaking karangalan na maglingkod siya bilang Ambassador-Designate of Uganda to the Philippines.
Ang Philippine Embassy sa Nairobi, Kenya ay mayroong administrative jurisdiction sa Uganda at ang kasalukuyang non-resident Philippine ambassador to Uganda ay si Ambassador Marie Charlotte G. Tang.
Noong 2022 ang Uganda ay nasa 123rd sa ranking bilang trading partner ng Pilipinas, 94th export market at 191st import supplier.
Pangunahing ine-export ng Pilipinas sa Uganda ay ang mga electrical machinery at equipment, sound recorders at reproducers, television images at iba pa.
Samantala, nangako pareho sina Presidente Marcos at Sri Lankan Ambassador to the Philippines Chanaka Harsha Talpahewa na palalakasin pa ang ugnayan ng dalawang bansa.
Ang Sri Lanka ay ika-75 sa ranking ng trading partner ng Pilipinas.
Pangunahing ine-export ng Pilipinas sa Sri Lanka ay ang harina, starch, gatas, at iba pang pastry products.
Madelyn Moratillo