UK at Japan, lalagda ng isang major defense deal sa pagbisita ni PM Kishida sa London
Lalagda sa isang “napakamakabuluhang” bagong defense agreement, ang Punong Ministro ng UK na si Rishi Sunak at ang kanyang Japanese counterpart na si Fumio Kishida, sa sandaling magkita ang dalawa sa London.
Ayon sa pahayag mula sa tanggapan ni Sunak, pag-uusapan din ng dalawang lider ang kasalukuyang presidency ng Japan sa G7 at ang “pangangailangan na mapanatili ang kanilang magkakasamang suporta para sa Ukraine.”
Ang kasunduan, na lalagdaan sa makasaysayang Tower of London, ay magpapahintulot sa UK forces na mai-deploy sa Japan sa tinawag ng London na “pinakamakabuluhang defense agreement sa pagitan ng dalawang bansa sa higit isang siglo.”
Sinabi ni Sunak, “In the past 12 months, we have written the next chapter of the relationship between the UK and Japan — accelerating, building and deepening our ties. This Reciprocal Access Agreement is hugely significant for both our nations — it cements our commitment to the Indo-Pacific and underlines our joint efforts to bolster economic security.”
Umalis si Kishida noong Lunes para sa mga pag-uusap na nakatuon sa seguridad sa mga kaalyado ng G7 ng Japan sa Europe at North America, na nagtapos sa pakikipagpulong kay US President Joe Biden noong Biyernes.
Sa Paris, siya at si Emmanuel Macron ay nangako ng mas malalim na ugnayan, kung saan ang pangulo ng France ay nangako na mapanatili ang “magkasamang pagkilos sa Pasipiko” at ang “walang-pagkupas na suporta” ng France laban sa pagsalakay ng Hilagang Korea.
Bilang ganti, nangako si Kishida ng suporta ng G7 para sa Ukraine.
Sinabi ng UK, Italy at Japan noong nakaraang buwan na magkasama silang bubuo ng isang fighter jet sa hinaharap.
Ang bagong “Global Combat Air Program” ay nakatakdang gumawa ng mga unang jet nito sa 2035, na pagsasama-samahin ang magastos na kasalukuyang pananaliksik ng tatlong bansa sa bagong aerial war technology, mula sa stealth capacity hanggang sa mga high-tech na sensor.
Nakilahok din ang isang British patrol ship noong nakaraang taon sa unang pagkakataon, sa “Exercise Keen Sword,” ang regular na operasyon ng pagsasanay sa Pasipiko na isinasagawa ng mga hukbong-dagat ng Japan at US.
Ang exercise ay kinasasangkutan ng 36,000 tauhan ng militar, 30 barko at 370 sasakyang panghimpapawid, na karamihan ay mula sa Japan at Estados Unidos, ngunit kasama rin ang Australia, Canada at UK.
Ang Japan ay may pacifist post-war constitution, na naglilimita sa kapasidad ng militar nito sa mga hakbang sa pagtatanggol.
Ngunit ang Tokyo ay nakahandang gumawa ng pinakamalaking pag-aayos sa diskarte nito sa seguridad, sa harap ng digmaan sa Ukraine, paulit-ulit na missile launches mula sa North Korea at tumitinding pressure mulasa China.
Inaasahang tatalakayin din ng mga lider ang kalakalan, kabilang ang posibleng pagpasok ng UK sa Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership (CPTPP).
© Agence France-Presse