UK child-killer nurse, muling haharap sa paglilitis kaugnay ng kasong tangkang pagpatay
Isang British nurse na habangbuhay na makukulong dahil sa pagpatay sa pitong sanggol at pagtatangkang pumatay ng anim na iba pa, ay muling haharap sa paglilitis kaugnay ng natitirang kaso ng tangkang pagpatay.
Ang 33-anyos na si Lucy Letby, ay nahatulan noong nakaraang buwan ng pagpatay sa limang sanggol na lalaki at dalawang sanggol na babae, sanhi para siya ay maging “most prolific child serial killer” sa Britain sa modernong panahon.
Gayunman, sa ilang buwang paglilitis sa Manchester Crown Court, ay hindi nakapagdesisyon ang jury sa anim na bilang ng tangkang pagpatay na may kaugnayan sa limang sanggol.
Sinabi ng Crown Prosecution Service (CPS), na magpapatawag ito ng retrial sa isang kaso tungkol sa tangkay pagpatay ni Letby sa isang babaeng sanggol noong Pebrero ng 2016.
Isang pansamantalang petsa ng paglilitis ang itinakda para sa Hunyo 10 ng susunod na taon, na gaganapin din sa Manchester Crown Court sa hilagang-kanluran ng England.
Ayon kay Jonathan Storer, chief crown prosecutor kasama ng CPS, na ang desisyon sa kung magsasagawa ba ng retrials ay “lubhang kumplikado at mahirap.”
Aniya, “Before reaching our conclusions, we listened carefully to the views of the families affected, police and prosecution counsel. Many competing factors were considered, including the evidence heard by the court during the long trial and its impact on our legal test for proceeding with a prosecution.”
Si Letby ay inaresto kasunod ng isang serye ng pagkamatay sa neonatal unit ng Countess of Chester Hospital sa northwest England sa pagitan ng June 2015 at June 2016.
Patuloy naman niyang itinatanggi ang mga paratang laban sa kaniya.
Dumalo si Letby sa pagdinig nitong Lunes sa pamamagitan ng videolink mula sa isang conference room sa piitan na malapit sa Wakefield, northern England.
Nagsalita lamang siya upang kumpirmahin ang kaniyang pangalan, habang nakaupo sa likod ng isang lamesa kung saan niya makikita at maririnig ang proceedings.