Ulan muling bumagsak sa katimugang bahagi ng Brazil na pininsala na ng mga pagbaha
Muling bumagsak ang ulan sa katimugang bahagi ng Brazil, na dumaranas na ng mga pagbaha, kaya’t dumoble pa ang bilang ng mga napilitang lumikas sa loob ng 24-oras.
Nahaharap ang mga residente ng estado ng Rio Grande do Sul sa “rainy weekend,” bagama’t hindi pa ganap na humuhupa ang mga pagbaha na naging sanhi upang magmistulang ilog ang mga lansangan.
Ang delubyo na iniuugnay ng mga eksperto sa climate change na pinalala pa ng El Nino weather phenomenon, ay nakaapekto na sa halos dalawang milyong katao, na nag-iwan ng 126 na patay at 756 nasaktan.
Ayon sa mga awtoridad, 141 katao ang nawawala pa rin.
Tinangka ng Porto Alegre, ang kabisera ng Rio Grande do Sul na tahanan ng 1.4 milyong katao, na unti-unting bumalik sa normal nitong Biyernes, kung saan ilang mga negosyo ang nagbukas na at may mga sasakyan na rin sa ilang mga lansangan na bumaba na ang tubig-baha.
Subalit bigla na namang bumuhos ang ulan.
Ayon sa National Institute of Meteorology, inaasahan na ng rehiyon na ang mga pag-ulan ay may kasamang “malalakas na hangin at hail.”
Iniulat ng MetSul Meteorologia sa kanilang website ang isang bagong panahon ng “intense atmospheric instability,” kung saan aabot hanggang sa 200 mm (7.9 inches) ang ulan pagdating ng Lunes.
Nakapagtala naman ng “historic levels” ang Guaiba River ng estado na tumatakbo sa Porto Alegre.
Sa nakalipas na 24 oras, ang bilang ng mga taong lumikas mula sa kanilang tahanan ay dumoble na sa humigit-kumulang 411,000 katao, ayon sa civil defense figures.
Mahigit sa 71,000 sa mga ito ay nasa shelters.
Dahil wala pa ring suplay ng tubig, kaya’t kinukulang na rin ang mga tubig na nakabote sa Porto Alegre, habang nagrarasyon naman ng tubig sa mga ospital at shelters ang tanker trucks.
Sa bayan ng Eldorado do Sul na pininsala rin ng baha, ay may mga bangka na nagdadala ng pagkain sa mga ayaw umalis sa kanilang bahay sa takot na mapagnakawan.
Sinira ng maputik na tubig-baha ang mahigit sa 85,000 mga bahay, at naka-apekto sa ekonomiya ng agricultural region.
Sinabi ni Clare Nullis, tagapagsalita para sa UN meteorology agency na WMO, “The disaster in Rio Grande do Sul is the result of the double whammy of El Nino plus climate change.”
Aniya, “Even when El Nino fades, which it will do, the long-term effects of climate change are with us. Every fraction of a degree in temperature increase means that our weather will become more extreme.”
Dagdag pa niya, “Our weather is on steroids. When we are at war with nature … nature strikes back, and nature has unfortunately, you know, hit back in Brazil.”