Umano’y bentahan ng mga anti-Covid vaccine sa San Juan city, scam lang – Mayor Zamora
Itinanggi ni San Juan city Mayor Francis Zamora ang umano’y bentahan ng bakuna laban sa Covid-19 sa lungsod.
Sa panayam ng Balitalakayan, sinabi ni Zamora na batay sa kanilang imbestigasyon, lumilitaw na isa lamang itong scam sa social media na humahanap lang ng mga mabibiktima.
Pinabulaanan din ng alkalde na may mga tauhan ng lungsod na nakipagsabwatan para makapagbenta ng bakuna o magpalusot para sa mga walk-in.
Masyado aniyang mahigpit ang kanilang proseso at imposibleng makalusot sa kanilang computer system ang sinuman.
Sinadya aniya nilang mas higpitan ang sistema dahil inaasahan na nilang may mga sisingit na hindi kasama sa priority list na itinakda ng Department of Health.
Samantala, sa ngayon, sinabi ni Zamora na aabot na sa 23,000 residente ng lungsod ang nabakunahan na o katumbas ng 27 percent ng kanilang populasyon.
Posibleng mapabilis rin aniya ang kanilang vaccination rollout sa Hunyo, oras na mabuksan ang kanilang bagong vaccination site sa Greenhills kung saan mas maraming empleyado.
Meanne Corvera