Umano’y dumukot sa 17 missionaries sa Haiti, lumutang sa YouTube
Isang lalaki na nagpakilalang lider ng isang kidnapping gang, ang nagpost sa YouTube kung saan inamin nito na siya ang dumukot sa 17 missionaries sa Haiti.
Ang mga misyonaryo na kinabibilangan ng 16 na Amerikano at isang Canadian, kasama ang limang kabataan ay dinukot matapos harangin ang sinasakyan nilang bus malapit sa boundary ng Port-Au-Prince noong isang linggo.
Sinabi ng lalaking nakasuot ng purple suit at kahawig ng isang alyas Lamo Sanjou na lider ng 400 Mawozo gang, na siya ang nasa likod ng pagdukot sa mga dayuhang misyonaryo at nagbanta na papatayin ang mga ito kapag hindi nila nakuha ang kanilang hinihingi.
Ang mga bihag na miembro ng Christian Aid Ministries mula sa Ohio, USA ay maghahatid sana ng tulong sa isang orphanage nang dukutin ng umano’y 400 Mawozo gang.
Samantala, ang naturang video na lumabas sa YouTube ay hindi pa nabe-verify.