Umano’y kulto sa Socorro, Surigao de Norte at ina-abuso ang menor de edad pinaiimbestigahan ni Senador dela Rosa
Pinaiimbestigahan ni Senador Ronald dela Rosa sa senado ang umano’y kulto sa Socorro, Surigao del Norte na nagpapatakbo umano ng shabu laboratory at inaabuso ang mga menor de edad.
Tinukoy nito ang Socorro Bayanihan Services Incorporated na pinamumunuan ng isang Jey Rence Quilario at tinatawag na senyor aguila.
Sa resolution number 796 na inihain ni Dela Rosa, nakasaad na hiniling ng Mayor ng Socorro na imbestigahan ang operasyon ng laboratoryo ng shabu na natuklasan ng task force na binuo ng Alkalde.
Sa report aniya ng Socorro Task Force kapihan, ang shabu laboratory ay sinasabing nasa underground bunker na nasa bisinidad ng white house na tinitirhan ni Quilario at ng isa pang lider ng SBSI na si Karren Sanico.
Bantay-sarado umano ang shabu laboratory ng heavily-armed at may uniporme pa na private army na tinatawag na Aguila,
Suportado umano ang Aguila ng extremistang grupo sa Southern Mindanao at ginagamit nilang human shield sa shabu laboratory ang mga miyembro ng umano’y kulto.
Sa report din ng task force, pinupwersa ng kulto na magpakasal ang mga batang babae na nasa edad dose, pero bago ibigay ang batang bride sa batang groom, ilan ang umano’y pinupwersa muna na makipagtalik kay Quilario.
Sabi ni Dela Rosa, kailangan nilang seryosohin at imbestigahan ang lahat ng alegasyon ukol sa existence ng private armies, shabu laboratory at mga krimen na nagdudulot panganib sa mga komunidad.
Meanne Corvera