Umano’y nangyaring Superspreader event sa isang Barangay sa QC, iniimbestigahan na
Sinimulan na ng Quezon city government ang imbestigasyon sa naiulat na public gathering at drinking session sa Barangay Matandang Balara na naging dahilan ng pagkalat ng Covid-19 sa mga residente.
Ang City Legal Department ang inatasan ni Mayor Joy Belmonte na masagawa ng imbestigasyon sa nangyaring superspreader event.
Maliban sa mga kasama sa event, iimbestigahan rin ang Kapitan ng Barangay na si Allan Franza at Homeowners Association President Don Brabante.
Nag-isyu na ng show cause order si City Legal Officer Attorney Orlando Paolo Casimiro laban kay Franza at pinagpapaliwanag kung bakit pinayagan niyang mangyari ito.
Sinampahan na rin ng kasong paglabag sa health protocol at pagpapahintulot ng social gathering si Brabante alinsunod sa ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force.
Ayon kay Casimiro, kung mapapatunayang pinayagan ni Brabante ang nasabing event at bigong maiulat ang pangyayari sa Barangay ay maaari itong makasuhan ng kriminal batay na rin sa RULE VI, Section 2(h) ng IRR na may kaugnayan sa Section 9(d) ng RA 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Ganito rin aniyang kaso ang maaaring isampa kay Chairman Franza.
Batay sa ulat ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), mula sa kabuuang 255 residente ng Area 7, Matandang Balara, 72 ang nagpositibo sa Covid-19 kasunod ng isinagawang Swab test.
Ayon kay Belmonte, dapat magsilbi itong babala sa lahat na manatiling vigilante at maingat dahil nananatiling nasa kapaligiran ang Covid-19 kaya kailangang makipagtulungan ng publiko sa pamahalaan upang matapos na ang Pandemya.