Umano’y panunutok ng baril ng mga sundalo sa mga tauhan ng CCG, pinabulaanan ng AFP
Tinawag na sinungaling ng liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang China, matapos nitong akusahan ang mga sundalo ng panununok ng baril sa kanilang Chinese Coast Guard (CCG).
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr., walang katotohanan at sa halip ay binabaligtad ng China ang buong kuwento.
Sa ipinakitang video ng AFP sa nangyaring aerial resupply mission noong May 19, ay makikita ang mga tauhan ng CCG na sakay ng kanilang rigid hull inflatable boat na agresibong nakipag-agawan sa mga sundalong Pinoy sa pagkuha ng food supply mula sa airdrop mission.
Matapos na makuha ang supply at mabuksan ito, agad din itong itinapon ng CCG sa dagat.
Ayon kay Brawner, walang nangyaring panunutok ng baril, sa halip ay hawak lang ng mga sundalo ang kanilang mga armas bilang senyales ng paggiging alerto sakaling tumaas ang tensyon.
Nangyari kasi ang insidente 5-10 metro lang mula sa BRP Sierra Madre.
Photo courtesy of Armed Forces of the Philippines
Sumusunod aniya sa rules of engagement ang mga sundalong Pinoy at lahat ng kanilang aksyon ay base sa international law.
Patunay aniya ang insidente ng agresibong probokasyon ng China na sila ang nagpapataas ng tensyon sa lugar.
Ginawa aniya ang airdrop mission upang maiwasan ang tensyon sa karatagan, pero hindi tumitigil ang China sa kanilang pang-uudyok.
Iligal aniya ang ginawang pag-agaw ng China sa supply ng mga sundalo, na hindi ginagawa kahit sa gitna ng giyera.
Dahil dito nagsumite na ng report ang AFP sa Department of National Defense at Department of Foreign Affairs, para sa pagsasagawa ng legal na hakbang laban sa China.
Samantala, nilinaw naman ng AFP na mananatili ang maximum tolerance at calibrated action ng mga sundalo upang hindi lumala ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Mar Gabriel