Umano’y Rigodon sa Kamara, hindi totoo
Tsismis lang umano ang napapabalitang rigodon sa liderato sa Kamara.
Kung sa Senado ay natuluyan ang pagpapalit ng liderato, sa Kamara ay matagal nang umiikot ang impormasyon na papalitan umano ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo si House speaker Pantaleon Alvarez habang si Marinduque Cong. Lord Allan Jay Velasco naman ang papalit kay House majority leader Rodolfo Fariñas.
Pero aminado si Velasco na kung sakaling magkatotoo ang pagpapalit ng liderato sa Kamara ay handa naman umano siyang tumayo bilang Majority leader ng kapulungan.
Samantala, kahit ang House minority bloc ay binabalewala ang isyu ng pagpapalit ng lider ng Kamara.
Si Minority leader Danilo Suarez, deadma naman sa isyu habang iginiit naman ni Buhay Representative Lito Atienza na kalimutan na ang usapin sa rigodon sa Mababang kapulungan.
Unang lumutang ang isyu ng pagpapalit ng lider ng Kamara kasunod ng pagbangga ni Speaker Pantaleon Alvarez sa dati niyang kaibigan na si Cong. Antonio Floirendo na kinasuhan pa niya ng katiwalian dahil sa Tadeco-Bucor deal.
Ulat ni Madz Villar