UN at NGOs, nagbabala sa pagtaas ng mga namamatay sa Africa dahil sa gutom
Sinabi ng mga opisyal ng United Nations (UN) at ng non-governmental organisations, na tumataas ang mga namamatay sa gutom sa Africa, dahil sa tagtuyot na pinalala pa ng climate change at mga labanan.
Ang kanilang pahayag ang pinakabago sa isang serye ng mga pahayag mula sa campaigners at experts, na nagbababala na ang Africa ay nahaharap sa krisis sa pagkain na hindi pa nangyari noon.
Sinabi ng United Nation Children’s Fund (UNICEF), ang children’s organization ng UN at ng NGO na Care at Oxfam sa isang joint news conference sa Paris, na mayroong average na namamatay sa gutom kada 36 na segundo sa Ethiopia, Kenya at Somalia, habang malapit na sa 20 milyong katao sa Sahel region ang nabubuhay sa kakulangan ng pagkain.
Ayon UNICEF, sa Burkina Faso, isang bansang na-destabilize ng isang jihadist rebellion, tatlong beses na mas maraming bata ang napatay sa pagitan ng Enero at Setyembre 2022 kaysa sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ang bilang ng mga menor de edad na ginagamot para sa matinding malnutrisyon ay tumaas ng kalahati.
Sinabi ni Louis-Nicolas Jandeaux sa Oxfam France, na sa Niger, ang paulit-ulit na tagtuyot at mapaminsalang baha na sinamahan ng patuloy na mga labanan, ay humantong sa isang halos 40 porsiyentong pagbaba sa produksyon ng cereal habang ang pag-aani ay lalong nagiging mahirap.
Ayon naman kay Lucile Grosjean, isang tagapagsalita para sa UNICEF, nasa 430,000 mga bata sa Niger ang nakararanas ng malubhang malnutrisyon.
Aniya, ngayong taon, ang bilang ng malnourished pregnant o breastfeeding women ay inaasahang tataas sa 154,000 mula sa 64,000 noong 2022.
Sa Horn of Africa, sinabi ng UN na limang sunod-sunod nang panahon ng tag-ulan na nagbagsak lamang ng napakakaunting ulan ang ikinamatay ng milyun-milyong baka at sumira ng mga ani.
Dahil dito ay nalagay ang 22 milyong katao sa banta ng kagutuman sa Ethiopia, Kenya at Somalia, isang bansang may 17 milyon na dumaranas din ng Islamist insurgency.
Ani Mathilde Casper mula sa Care, “We forecast that between April and June, more than a third of Somalia’s population will be in a state of food crisis, with projections of a famine.”
Ayon naman kay Jandeaux, “The food crisis was the result of an ‘injustice,’ because of the ‘permanent inaction’ of wealthy countries.”
Aniya, noong isang taon, nasa 62 percent lamang ng humanitarian financing needs ang natugunan.
Sa isang pakikipanayam sa French daily na Le Monde, nanawagan ang dating direktor ng World Food Programme na si David Beasley sa mga kanluraning pamahalaan na dagdagan ang tulong, at sinabing nahaharap ang Africa sa pinakamatinding krisis sa pagkain at maging sa humanitarian crisis mula noong World War II.
Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng Medecins Sans Frontieres (Doctors Without Borders) NGO na nakapagtala sila ng dami ng bilang ng mga batang kulang sa nutrisyon, na hindi pa nangyari noon, sa Maiduguri, hilagang-silangang Nigeria.
Sinabi ni Htet Aung Kyi, medical coorinator ng organisasyon, “Last year was terrible, but this year could be worse if this trend continues,” at nagbabala ng isang “catastrophic situation,” kapag nagamit na ang food stocks mula sa mga inani noong nakaraang taon.
Sinabi rin ng isang internasyonal na grupo ng climate scientists, na ang mapangwasak na tagtuyot na tumama sa Horn of Africa ay maaaring hindi nangyari kung walang global warming.
Ayon sa World Weather Attribution (WWA), “Human-caused climate change has made agricultural drought in the Horn of Africa about 100 times more likely.”
© Agence France-Presse