UN chief, naka-isolate na matapos ma-expose sa Covid-19
Na-expose sa isang UN official na may Covid-19, si UN Secretary-General Antonio Guterres kaya’t ilang araw itong sasailalim sa isolation.
Kaugnay nito ay kinansela na ng 72-anyos na si Guterres, ang kaniyang in-person engagements.
Nakatakda sanang maging guest of honor ang UN chief sa UN Press Association sa kanilang annual gala sa Manhattan ngayong Miyerkoles, habang bukas ay kasama sana siya sa UN Security Council meeting tungkol sa challenges ng terorismo at climate change, na pangungunahan ni Niger President Mohamed Bazoum.
Ang Niger ang kasalukuyang may hawak sa council presidency.
Si Bazoum ay dumating sa New York nitong Martes, at inaasahang mananatili doon hanggang sa katapusan ng linggo bago magtungo sa Washington.
Hindi naman nagbigay ng komento ang tagapagsalita para sa secretary-general na si Stephane Dujarric, tungkol sa kondisyon ni Guterres.
Nitong nakalipas na mga araw ay ipinahiwatig ni Dujarric, na kamakailan ay tumanggap na si Guterres ng third dose ng anti-coronavirus vaccine matapos mag-alangan ng mahabang panahon kung magpapa-booster shot ba siya, habang milyun-milyong katao sa mundo ang ni hindi pa nabibigyan ng unang dose. (AFP)