UN humihiling ng kagyat na tulong para sa Gaza
Humiling ang United Nations (UN) Security Council ng kagyat na tulong para sa Gaza, habang nagbabala naman ang pinuno ng World Health Organization (WHO) ng nagbabantang taggutom sa Palestinian territory.
Habang pinauulanan ng bomba ng Israel ang mga target nito sa magkabilang panig ng Gaza, humiling naman ang mga miyembro ng pangunahing peacemaking council ng UN, ng “agaran, ligtas at tuloy-tuloy” na delivery ng pantawid-buhay na mga ayuda.
Dahil sa pamimilit ng Washington, iniwasan ng UN Security Council na magpatawag ng isang ceasefire na magpapahinto sa 11-linggo nang giyera, na nagsimula nang salakayin ng Hamas ang Israel noong October 7.
Pagkatapos ng UN vote, nangako ang Israel na ipagpapatuloy ang kanilang air at ground assault hanggang sa mabuwag ang Palestinian militant group, at mapalaya ang tinatayang 129 mga bihag na hawak pa ng Hamas.
Sinabi ni Foreign Minister Eli Cohen, na tuloy ang giyera sa Gaza at iginiit na ito ay legal at makatarungan.
Ayon naman sa militar ng Israel, nagpapatuloy ang mga operasyon sa Gaza City.
Isang tagapagsalita ang nagsabi na winasak ng Israel Defense Forces (IDF) ang isang underground tunnel complex, “sinalakay ang Hamas headquarters at pinatay ang mga terorista.”
Inaangkin ng Hamas-run health ministry sa Gaza, na mahigit sa 410 katao ang namatay sa pambobomba ng Israel sa nakalipas na 48-oras, kabilang ang 16 na strike sa Jaballa district sa Gaza City.
Ayon pa sa ministry, apat na miyembro ng isang pamilya, kabilang ang isang batang babae, ang namatay sa pag-atake sa isang civilian vehicle sa Rafah sa southern Gaza, kaya’t ang bilang na ng mga namatay mula sa giyera ay mahigit nang 20,000.
Dahil sa maraming nawasak na mga istraktura, maraming taga Gaza ang napilitang magsama-sama at magsiksikan sa mga shelter o tent, at lubhang nahihirapang maghanap ng pagkain, fuel, tubig at mga gamot.
Nagbabala naman si WHO head Tedros Adhanom Ghebreyesus, “Hunger is present, and famine is looming in Gaza. A majority of displaced people were going ‘entire days and nights’ without eating.”
Sa pagtaya ng UN, halos dalawang milyong Gazans na ang na-displaced dahil sa mga labanan, o halos 80 porsiyento ng populasyon.
Ang isang linggong truce na natapos noong Disyembre 1, ay naging daan sa pagpapalaya sa 105 mga bihag, kabilang ang 80 Israeli kapalit ng 240 Palestinian prisoners.
Ang nabuong resolusyon nitong Biyernes makaraan ang matagal na pagkakabinbin, ay nangyari pagkatapos ng ilang araw nang diplomatikong pagtatalo, at naipasa lamang nang mag-abstain kapwa ang US at Russia.
Pinipilit nito ang Israel na payagan ang mas malawak na humanitarian access at bigyan ang UN ng mas malaking papel sa koordinasyon para sa delivery ng ayuda sa Gaza.
Sinabi ni UN chief Antonio Guterres, “The way Israel is conducting this offensive is creating massive obstacles to the distribution of humanitarian aid. But it remains to be seen what, if any, impact the vote will have on the ground.”
Iginiit naman ng foreign minister ng Israel, na sa kabila ng resolusyon ay pamamalagiin ng kanilang bansa ang kontrol sa kung ano ang papasok sa Gaza at “patuloy na susuriin ang lahat ng humanitarian aid patungo sa Gaza para sa kadahilanang pangseguridad.”
Ayon sa UN, ang bilang ng aid trucks na pumapasok sa Gaza ay lubhang mababa kaysa average na pumapasok dito noong hindi pa nagkaka-giyera.
Nitong nakalipas na linggo, inaprubahan ng Israel ang aid delivery na daraan sa Kerem Shalom crossing, at sinabi naman ng army na may average na 80 trak ang pumapasok sa Gaza araw-araw sa pamamagitan ng naturang crossing.
Simula nang mag-umpisa ang labanan, ang West Bank, ang Israel-Lebanese border, Iraq, Syria at dagat sa Yemen ay naging flashpoints na, kung saan regular na nagpapalabas ng babala ang Iranian-backed groups tungkol sa kanilang abilidad na dalhin ang giyera sa labas ng Gaza.