UN magsasagawa ng emergency Security Council meeting tungkol sa krisis sa Ukraine
Magsasagawa ang United Nations (UN) ng isang emergency Security Council meeting tungkol sa krisis sa Ukraine, matapos kilalanin ng Russia ang dalawang breakaway regions doon at inatasan ang militar nito na magsilbing peacekeepers.
Ayon sa diplomats, ang pulong ay gaganapin sa New York. Nais ng Russia na kasalukuyang may hawak sa rotating presidency ng Council, na gawing closed-door ang pulong nguni’t iginiit naman ng Estados Unidos na isapubliko ito.
Ang pagkilala ni Russian president Vladimir Putin sa mga separatistang republika, ang tuluyang naglibing sa marupok nang 2015 peace plan at nagbukas ng pinto para sa direktang Russian military movement.
Sa dalawang opisyal na kautusan, inatasan ni Putin ang defense ministry na umakto bilang “peacekeepers” sa Donetsk at Lugansk regions.
Wala namang ibinigay na detalye o petsa ang Moscow para sa alinmang deployment, dahil ang atas ay nagsasabi lamang na nagkabisa ang kautusan sa araw nang ito ay malagdaan.
Ang kahilingan ng maraming mga bansa para sa Security Council meeting, ay batay sa liham mula sa Ukraine na humihiling na makadalo ang kanilang kinatawan, kasama ni UN Secretary-General Antonio Guterres at isang miyembro ng Organization for Security and Cooperation in Europe (OSCE).
Sinabi ni US ambassador to the UN Linda Thomas-Greenfield, na suportado niya ang isang emergency meeting.
Aniya . . . “The Security Council must demand that Russia respect the sovereignty and territorial integrity of Ukraine, a UN Member State. Russia’s announcement is nothing more than theater, apparently designed to create a pretext for a further invasion of Ukraine.”