UN nagbabala sa mundo na maghanda sa epekto ng El Nino
Nagbabala ang United Nations (UN) sa mundo na maghanda para sa mga epekto ng El Nino, at sinabing ang weather phenomenon na nag-trigger ng mas mataas na temperatura sa mundo ay nakatakdang magpatuloy sa buong 2023.
Ang El Nino ay isang natural na climate pattern na karaniwang nauugnay sa pagtaas ng init sa buong mundo, pati na rin ang tagtuyot sa ilang bahagi ng mundo at malakas na pag-ulan sa ibang lugar.
Karaniwan itong nangyayari tuwing dalawa hanggang pitong taon, at ang mga episode ay karaniwang tumatagal ng siyam hanggang 12 buwan.
Idineklara ng World Meteorological Organization (WMO) ng UN, na ang El Nino ay under way na at sinabing mayroong 90-porsiyentong tyansa na magpapatuloy ito hanggang sa ikalawang kalahati ng 2023.
Babala ni WMO secretary-general Petteri Taalas, “The onset of El Nino will greatly increase the likelihood of breaking temperature records and triggering more extreme heat in many parts of the world and in the ocean.”
Aniya, “The declaration of an El Nino by WMO is the signal to governments around the world to mobilise preparations to limit the impacts on our health, our ecosystems and our economies. Early warnings and anticipatory action of extreme weather events associated with this major climate phenomenon are vital to save lives and livelihoods.”
Inanunsiyo naman ng US National Oceanic and Atmospheric Administration, na siyang nagpi-feed sa WMO, na dumating na ang El Nino noong Hunyo 8.
Ayon sa WMO, “It is expected to be at least of moderate strength.”
Nabanggit ng WMO, na ang warming effect ng El Nino sa mga temperatura sa mundo ay kadalasang pinakamatinding nararamdaman sa loob ng isang taon ng pagsisimula nito — sa kasong ito ay sa 2024.
Ang El Nino ay ang malawakang pag-init ng mga temperatura sa surface ng central at eastern equatorial Pacific Ocean.
Nag-iiba ang mga kundisyon sa pagitan ng El Nino at ng malamig na katapat nito na La Nina, na may mga neutral conditions sa pagitan.
Karaniwang nauugnay ang El Nino events sa paglakas ng ulan sa mga bahagi ng timog South America, katimugang Estados Unidos, Horn of Africa at central Asia. Maaari rin itong magdulot ng matinding tagtuyot sa Australia, Indonesia, bahagi ng timog Asya, Central America at hilagang Timog Amerika.
Sinabi ng WMO na ang huling El Nino ay noong 2015-2016.
Thousands who lost homes and livelihoods due to El Nino live in camps in Peru / AFP
Mula 2020 hanggang unang bahagi ng 2023, ang mundo ay naapektuhan ng isang hindi pangkaraniwang mahabang La Nina, na tumagal ng tatlong magkakasunod na taon.
Ito ang kauna-unahang tinatawag na triple-dip La Nina noong ika-21 siglo at pangatlo lamang mula noong 1950.
Ang cooling effect ng La Nina ay pansamantalang pumigil sa pagtaas ng temperatura sa buong mundo, bagama’t ang nakalipas na walong taong peryodo ang pinakamainit na naitala.
Sinabi ni Wilfran Moufouma Okia, head ng regional climate prediction services ng WMO, “Over the next six months, ‘there will be 10-percent chances for El Nino to weaken.’ So we can rule out the development of La Nina this year. The effect of El Nino is usually perceived with a delay in time.”
Noong Mayo, hinulaan ng WMO ang isang 98-porsiyentong posibilidad na hindi bababa sa isa sa susunod na limang taon — at ang limang taon sa kabuuan — ay magiging pinakamainit sa talaan.
Sa kasalukuyan ang pinakamainit na taon na naitala ay ang 2016, kung kailan nagkaroon ng napakatinding El Nino, na sinamahan pa ng pag-init na gawa ng tao dahil sa greenhouse gas emissions.
Sinabi ng World Health Organization (WHO) ng UN na tinutulungan nito ang mga bansa na maghanda para sa epekto ng El Nino, sa pamamagitan ng pre-positioning stocks.
Babala ni Maria Neira, environment, climate change and health director ng WHO, “In many of the countries that will be most affected by El Nino, there are already ongoing crises.”
Partikular na nababahala ang UN health agency sa malamang na pagtaas sa kaso ng kolera, mga sakit na dala ng lamok tulad ng malaria, at mga nakahahawang sakit gaya ng tigdas at meningitis.
Ayon kay Neira, ang matinding init, mga wildfire at malawak na kakulangan sa pagkain na humahantong sa mas matinding malnutrisyon, ay isa ring dahilan ng mga pag-aalala.