Unang babae at unang Black astronaut, makakasama sa unang Moon mission makalipas ang mahigit 50 taon
Ibinunyag na ng NASA ang magiging crew nito sa unang human mission sa Buwan sa loob ng mahigit 50 taon, kabilang ang unang babae at unang Black man.
Si Christina Koch, isang NASA astronaut na may hawak ng record para sa “longest single spaceflight by a woman,” ang magiging mission specialist sa biyahe ng Artemis II sa paligid ng Buwan sa susunod na taon.
Si Victor Glover ng NASA, isang naval aviator, ang magiging pilot ng Orion spacecraft na iikot sa Buwan sa November 2024, at unang Black man na magiging bahagi ng isang lunar mission.
Ang beteranong NASA astronaut na si Reid Wiseman, 47, ang magiging mission commander, at si Jeremy Hansen, 47-anyos din, isang dating fighter pilot na ngayon ay nasa Canadian Space Agency na, ang kukumpleto sa crew.
Ang tatlong Amerikano at isang Canadian ang magiging unang mga astronaut, na makikipagsapalaran sa kalawakan mula nang matapos ang makasaysayang Apollo missions noong 1972.
Ang Artemis II mission, ay isang panimula sa pagbabalik ng mga tao sa Buwan sa unang pagkakataon sa loob ng kalahating siglo at ng unti-unting mission patungo sa Mars.
Ang tatlong American astronauts ay gumugol na ng oras sa International Space Station (ISS), habang ito naman ang magiging unang space flight ng Canadian na si Hansen.
Ang apat na astronauts, na nakasuot ng asul na flight suits, ay ipinakiala ng NASA administrator na si Bill Nelson sa isang event sa Johnson Space Center sa Houston.
Ayon kay Nelson, “The largest, most powerful rocket in the world is going to propel them onward and upward into the heavens.”
Ang 44-anyos na electrical engineer na si Koch, ay gumugol ng 11 sunod-sunod na buwan sa kalawakan at naging bahagi ng unang “all-female spacewalks” habang nasa ISS.
Sinabi ni Koch, “Am I excited? Absolutely!”
Ayon sa 46-anyos na si Glover, “Artemis II is ‘more than a mission to the Moon and back.’ It is the next step that gets humanity to Mars.”
Sinabi naman ng mission commander na si Wiseman, “The diverse crew was made up of ‘exceptional operators.’ We’re just all professional explorers. We are representing our nation, but we need the entire world to go along with us.”
Sa kaniya namang pagdalo sa event ay sinabi ni Francois-Philippe Champagne, minister of innovation, science and industry ng Canada, “My country ‘could not be more proud’ to have a Canadian on the crew for the flight.”
Bilang bahagi ng Artemis program, target ng NASA na magpadala ng mga astronaut sa Buwan sa 2025 — higit limang dekada makaraang matapos ang pinal na Apollo mission.
Bukod sa paglalagay ng unang babae at unang Black man sa Buwan, umaasa ang US space agency na makapagtatatag ng pangmatagalang presensiya ng tao sa ibabaw ng Buwan, bilang hakbang sa unti-unting paglalakbay sa Mars.
Sinabi ng NASA chief, na umaasa siyang magkakaroon na ng isang crewed mission sa Mars pagdating ng 2040.
Ang 10-araw na Artemis II mission ay susubok sa malakas na Space Launch System rocket ng NASA, at maging sa life-support systems lulan ng Orion spacecraft.
Ang unang Artemis flight ay natapos na noong Disyembre, kung saan ang isang Orion capsule na walang crew ay ligtas na nakabalik sa Mundo makaraan ang 25-araw na paglalakbay sa paligid ng Buwan.
Sa panahon ng paglalakbay sa paligid ng orbiting satellite ng Mundo at pabalik, ang Orion ay nakapagtala ng mahigit sa isang milyong milya (1.6 milyong kilometro) at nakapaglakbay ng mas malayo sa Mundo kaysa alinmang naunang habitable spacecraft.
Labingdalawang katao lamang na pawang white men, ang nakatuntong na sa Buwan.
© Agence France-Presse